--------------------------
First, a big thank you to all of you who are finding time to contribute your articles, stories, and even pictures about Licab.
Today, I am posting another article sent to me by one of our kababayans.
-Licabblog
-------------------------
Isang kwento ng Pakikibaka
Ni Reynaldyq
Parang hindi na sanay ang aking mga kamay na sumulat ng sanaysay-ng mga pakikibaka sa buhay, ng mga samut-saring alalahaning gumugulo sa isipan, mga buhol-buhol na buntonghininga’t hinagpis ng mga nagdaang araw. Pero ayos lang. Basta nabanggit ang LICAB, parang ipu-ipong bumabalik ang kahapon. May saya’t lungkot, may kirot sa dibdib, may pitik ng pag-asa, at may haplos ng pagmamahal.
Kinse anyos ako ng iwan ang bayang Licab. Para sa akin, parang walang anuman. Ano ba naman kasi ang maipagmamalaki ko sa bayang kinagisnan? Maputik kapag tag-ulan, may libreng pulbos kapag tag-araw. Uso pa noon ang kareta, karitela, at kalabaw. Mabagal ang pag-usad ng pag-unlad.
Para sa akin, mas masaya sa siyudad. Maraming tricycle, maraming mapupuntahan.
Kaya madalas, sermon ang inaabot ko kay tatay. Bakit daw napakadalang kong umuwi ng Licab. Ayaw kong sumagot dahil bawal sumagot sa ama. Hindi tamang isaboses ang nararamdaman, lalo pa’t alam kong may masasaktan.
Pero sa loob-loob ko, wala naman akong mapapala kapag madalas akong umuwi. Baku-bako ang daan, mahaba ang biyahe at maalikabok –kaya nga dapat ang pangalan ng bayan natin-LIKABOK. Haaaay.
Isa pa, kapag tag-araw, malayo ang lalakarin mo para umigib ng tubig. Natutuyuan kasi ang mga poso ng tubig. Ang nangyayari, pupunta kayo sa patubig para mag-igib, dala-dala ang mga balde, timba, galon ng mantika at kahit ano pang sisidlan. Haaay na naman.
Gayunpaman, may gintong aral din naman akong natutuhan sa pamamalagi ko sa Licab. Malapit kami sa Diyos, malapit sa simbahan. Naalala ko pa si Ate Dahlia Ventura- siya ang nagturo sa amin na laging magpunta sa Simbahan. May choir noon na binubuo ng kabataan. Matiyaga niya kaming ginagabayan at sinusubaybayan. Usong-uso noon ang Christmas tableau at mga palabas tuwing mahal na araw.
Ngayon, malayo na ang daang aking tinahak. Malayo na rin ang narating ng ating mga kababayan.
Iba na rin ang tanawin sa Licab. Maayos na ang mga kalye, at higit sa lahat may gripo na ang mga bahayan. May daloy na ng tubig sa kabayanan.
Sa pagpasok mo sa Licab, masasamyo mo ang hanging amihan- ang mga butil ng palay na kumakaway, nanghahalina, at nagsasabing- may pag-asa pa. May kinabukasan pa.
Dito sa ibang bansa, lalo mong mami-miss ang manirahan sa Licab. Wala kasi ditong gatas ng kalabaw, inihaw na hito at bulig, bulanglang , bagoong at tuyo. Miss ko na rin ang arroz-de –valenciana ni Nanay.
Sa pag-uwi ko sa Pilipinas, Licab ang una kong pupuntahan.
-Dr. Reynaldo Quilon is currently working at Bahrain Defense Force as Trainor of the American Language Course. He also teaches in AMA International University –Bahrain as a graduate Professor.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
isang nakatutuwa at malayang pag sulat ang iyong nais ipabatid para sa lahat, maswerte ang bagong henerasyon sapagkat hindi na nila naranasang dumaan sa mga nabangit mo, wala pang isang dekada kung hindi ako nagkakamai, WALANG KONKRETONG DAAN PAPASOK AT PALABAS NG BAYAN NG LICAB. sira pa NOON ang daan sa San Cristobal, ang daan sa Sta Maria, sa Ablang, at ang papunta sa Tarlac. pero ok naman na yun ngayon.
ReplyDeleteNatatandaan ko ng nagaaral ako sa kolehiyo, minsan sin akong sumulat ng sa ganitong genre tungkol sa Licab, ang pamagat nga non...
SA PANGIL NG MGA BUWAYA...
Papaano na nga ba lutuin ang arroz de valenciana, baka naman pwede natin bansagang Spanish-French Cuisine Licab Style na Arroz de Le Cab.
ReplyDeleteSeeno: Kanina pa nga ako naghahanap ng recipe ng arroz valenciana eh. ipopost ko sana just like you have suggested in your email to me.
ReplyDeleteang nakita ko pa lang eh bulanglang.....
next topic yan.
gunatain ko ang masasayang araw sa bayan ng licab...madalas ako dumalaw sa bayan na ito upang dalawin ko ang aking mga kaanak. masarap at masayang balikan dahil marami akong naging magagandang alaala....marami akong kamag anak at kaibigan na naging parte aking buhay...tulad ng sayayawan sa ilalim ng punong mangga na ang handa namin ay sopas lang magdamag na pumapagaspas ang alikabok sa sayaw saya....balikan ko din ang pag punta sa bukid at panghuhuli ng palaka malapit sa tulay...pagdalo sa hugas kalawang... pag sakay sa kariton at pag punta sa bayan kapag may zarzuela....magandang balikan dahil mapayapa ang buhay noon di ka matatakot dahil kilala mo lahat nakapaligid saiyo...
ReplyDelete