Thursday, December 1, 2011

Init At Lamig

Sadya mang kaylamig ng nararamdaman dulot ng hanging dumadampi tuwing panahon ng kapaskuhan, ako'y muling maglalakbay pauwi sa aking mahal na bayan upang muling madama ang init ng pagmamahal na sa tuwina'y nadarama kapag kapiling ang mga mahal sa buhay.

Tara na sa Licab! Pasko'y narito na!

Wednesday, June 1, 2011

Lalog Bakery: Tatak Licabeño

Nakaugalian na sa halos lahat ng bahayan sa Licab ang pag-a-almusal upang pasimulan ang isang bagong araw.

Kadalasan, kapag pagkagising mo sa umaga eh diretso ka na sa paminggalan (maliit na kabinet na lagayan ng mga plato, mangkok, tasa, baso, atbp.) para kuhanin ang sarten ( baso o tasa na gawa sa lata) para timplahan ng mainit na kape (lalo pang magkakatalo kung ang gagamitin mong panggatas eh yung gatas ng kalabaw).

At dahil may kape, hindi dapat mawala ang hot pan de sal.



Bihira pa ang mga panaderya sa Licab noong dekada 80. Ang tanging panaderya lang na alam ng may-akda noong mga panahong iyon ay iyong nasa may San Cristobal. Kapag umaga naman ay may mga naka-bisikleta na naglilibot upang magbenta ng pan de sal (na naka lagay sa clear plastic) at pindang (pahabang magkakadikit na tinapay na may asukal sa ibabaw at nakabalot naman sa brown paper bag).

Kalimitang nangagmumula pa sa mga kalapit-bayan ng Licab (tulad ng Quezon at Sto. Domingo) ang mga naglalako ng tinapay, at kung minsan ay ibinabagsak lang nila sa mga tindahan sa Licab ang mga tinapay (katulad ng tindahan ni Ate Mimang Dela Cruz sa Poblacion Sur, katabi ng bahay nila Terang noong araw).

Kapag dating naman ng hapon at gustong mag-meryenda, malamang ay sa tindahan ni Piwa na ang punta mo para bumili ng biscuit (katulad ng Hansel, Rebisco Choco Sandwich at Club House Crackers).

Hindi rin uso ang Pan de Amerikano (Tasty Bread) noong Dekada 80. Nakikita lang ang mga ganitong tinapay kapag Pasko, Bagong Taon, at Fiesta, at kadalasang sinasadya pang bilhin sa Cabanatuan.


Sa pagpasok ng Dekada 90, isang dayuhang pamilya ang nagtayo ng panaderya sa isang apartment sa hanay ng Burgos Street (Don Dalmacio Esguerra Avenue na ngayon) sa Poblacion Sur. Dahil dito'y nagkaroon na nang steady supply ng mainit na pan de sal, tasty bread, pan de coco, kababayan, spanish bread, at cheese bread sa ating munting bayan.

Higit dalawampung taon mula noon, kinikilala na ngayon sa Licab bilang isang "household name" ang Lalog Bakery.

Mula rin sa lumang Villaroman Apartment ay lumipat na sa isang mas malaking pwesto sa tapat ng munisipyo ng Licab ang Lalog Bakery, at ang dating tindahan lang ng mga gawang tinapay ay nadagdagan na rin ngayon ng iba pang kalakal.

Nakatutuwa ring isipin na ang pamilya ng mga Lalog, maging ang kanilang mga empleyado sa panaderya, ay namumuhay ngayon sa ating bayan na pawang mga likas o tubong Licab.

Sa ngayon ay may ibang mga panaderya na rin ang umusbong sa ating bayan-isang simpleng tanda na kahit paano'y umuunlad ang Licab sapagkat nagkakaroon ng mga bagong kalakal na nakapagbibigay ng trabaho at dagdag-kita sa ilan sa ating mga kababayan.

(Bukas ang patnugutan ng Licab Blog kung may nais itama o idagdag na impormasyon ang Lalog Bakery sa lathalaing ito. Maaaring mag email sa licabblog@gmail.com )


----------------------------







Sunday, April 10, 2011

Diksiyunaryong Licabeño Series #1

Mga kabayang Licabeño, tulungan ninyo naman ako. Ito'y katanungang matagal nang sa aki'y gumugulo.

Ano ba ang pagkakaiba ng Bigwas sa Buntal at sa Bira?

Tuesday, April 5, 2011

Keynote Address- Licab Central School Graduation 2011

THE GRADUATE: A PARTNER TOWARDS TRANSFORMATIONAL SOCIETY, AN ANSWER TO SOCIETAL CHANGE
Keynote Address
Licab Central School Graduation Ceremony
04 April 2011
Joy Konstantine G. Agustin


Karamihan sa mga estudyanteng magsisipagtapos ngayong araw na ito ay nasa edad na labindalawang taon, kaya’t hayaan ninyong magsimula ako sa kwento ng isang batang Chinese na napadpad sa Pilipinas sa edad na labingdalawa.


Dahil sa kahirapan, napilitan siyang magtrabaho sa isang sari-sari store sa Maynila. Sa kasamaang palad, nang sakupin ng mga hapon ang Pilipinas noong WWII, nasunog ang sari-sari store na iyon, kaya kahit anong trabaho ay pinasukan niya para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.


Simple lang ang pangarap ng batang iyon: ang makaahon sa kahirapan.


Kaya’t nagpatuloy siyang magsikap hanggang sa natutunan niya ang pagbebenta ng mga sapatos. Sa patuloy na pagtityaga, nakapagbukas siya ng isang tindahan ng sapatos na pinangalanan niyang SHOEMART, o mas kilala sa tawag ngayon na SM. Sa ngayon, ang batang iyon, si Henry Sy, ang siyang nagmamay-ari ng pinakasikat at pinakamaraming malls sa buong Pilipinas.


Kahirapan din ang nagtulak sa isa pang batang Chinese para magtabaho sa edad na labintatlo.


Nang mamatay ang ama, inako niya ang responsibilidad na itaguyod ang pamilya. Araw-araw, gumigising siya tuwing alas singko ng umaga para magbisikleta papunta sa palengke kung saan siya nagtitinda katabi ang iba pang tindero at tindera na di hamak na mas matanda sa kanya.


Sa edad na labinlima, naisip ng batang iyon, “kung kaya kong makipagsabayan sa mga taong mas matanda pa sa akin, at kung sa edad na labinlima ay kaya ko nang itaguyod ang aking pamilya, aba! Kaya kong gawin ang kahit na ano!”


Ngayon, ang batang iyon, si John Gokongwei at ang kanyang kumpanyang JG Summit ang nagmamay-ari ng mga Robinsons Malls, Cebu Pacific Airline, Robinsons Bank, Universal Robina Corporation, at kahati sa nagmamay-ari ng Sun Cellular at Digitel.


Taong 1992, isang batang graduate ng Licab Central School ang nagkaroon ng isang simpleng pangarap. Habang pinapanood ang Guest Speaker na nagsasalita sa entablado, sinabi ng batang iyon sa kanyang sarili na balang araw ay tatayo rin siya sa entabladong ito upang maging Guest Speaker at makapagbigay ng inspirasyon sa mga kabataan. 19 na taon mula noon, sa araw na ito, natupad ng batang iyon, o mas tama sigurong sabihing natupad ko, ang aking simpleng pangarap.


Mga magsisipagtapos, mga magulang, mga guro, mga panauhin, magandang hapon po sa inyong lahat.


Umalis ako sa Licab Central School na may mataas na confidence sa sarili. Bakit hindi? Salutatorian ako ng gumradweyt. Marami-rami ring medals na natanggap. Presidente ng Barangayette at ng kung anu-anong club sa eskuwelahan.


Pero nahirapan akong mag-adjust pagpasok sa CLSU Science High School. Kung dito sa Central ay isa ako sa mga nangunguna, naging pangkaraniwang estudyante lang ako dahil sa dami ng mga estudyante na mas matatalino at mas advanced ang kaalaman kaysa sa akin.


Noong mga panahong iyon, 1990s, ay bihirang bihira pa ang may computer, kaya’t kapag mayroon kaming mga term papers na kailangang gawin ay napipilitan pang manghiram ng makinilya ang aking ama kay Ate Tessie Tinio dito sa Licab Central.


Wala pang internet, wala pang google at yahoo, kaya’t ang lahat ng research ay kailangang tiyagaing hanapin sa mga libro sa library. Ilan lang din naman kasi ang may encyclopedia.


Hindi pa rin uso ang photocopiers sa Licab, kaya obligadong kopyahin ng sulat kamay ang ilang mga importanteng impormasyon.


Wala pang cellphone at text, kaya kung may kailangan ay napipilitan kaming maghintay ng biyahe at sumabit sa likod ng jeep o umupo sa pahalang mula Sicsican hanggang Licab.


Noon ding 1990s ay may mga gumagamit pa ng black & white tv, betamax, at vhs. Hanggang Channel 13 lang ang pwedeng panoorin, at kailangan mong tumayo at ikutin ang pihitan para mailipat ang channel sa Coney Reyes on Camera, sa That’s Entertainment upang mapanood na sumayaw ang Tuesday Group, o sa Eye to Eye ni Inday Badiday kung gusto mong malaman ang tsismis tungkol kay Aga Muhlach. Inililipat naman ang telebisyon sa Channel 9 kapag gusto nating malaman kung anong oras na.


Fast forward ngayong 2011, hindi na ginagamit ang karamihan sa mga bagay na nabanggit ko kanina. Ibang-iba na ang Lipunan o ang Society na ating ginagalawan.


Importante po na mai-define natin o maintindihan natin kung ano na ba ang kasulukuyang kalagayan ng ating Lipunan upang malaman natin kung paano ba tayo magiging kaagapay sa pagbabagong anyo ng lipunan na siyang paksa ng ating graduation rites sa taong ito.


We live in the age of technology.


Masyado nang mabilis ang pagdating ng mga impormasyon sa atin.


Ang lindol sa Japan kamakailan ay patunay kung paanong sa ilang minuto lamang ay napapanood na natin sa harap ng telebisyon ang sakunang naging dulot nito sa bansang Hapon.


Ngayon, sa pamamagitan ng google sa internet ay kaya mo nang mag download ng sandamakmak, sandamukal at sangkaterbang impormasyon tungkol sa kahit na anong bagay.


Sa yahoo messenger ay maaari mo ring makausap at makita ang kamag-anak na nasa ibang bansa. Sa facebook ay maaari mong mahanap at muling makumusta ang mga kaibigang matagal nang hindi nakikita.


Kung dati’y naghihintay ka ng ilang araw bago dumating ang sulat, ngayon, sa ilang segundo lamang ay naipapadala at natatanggap na ang email.


May ilan na siguro sa ating mga kababayan ang may cable tv; may iphone, may ipod, may laptop at kung anu-ano pang makabagong kagamitan.


Hindi na teacher o abogado o inhinyero ang sikat na trabaho. Sa ngayon, mas in demand ang maging Call Center Agent, caregiver, at Computer technicians.


Kung ating susuriin ay wala namang masama sa mga makabagong teknolohiyang ito. Inimbento ang mga ito upang matulungan tayo at mapagaang ang ating mga buhay. Dahil dito’y mas tama sigurong sabihin na sa halip na pagsumikapan nating baguhin ang lipunan, ay suriin natin at tingnan kung paano natin babaguhin ang ating mga sarili upang makasabay tayo sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa lipunang ating ginagalawan.


1. Mga magsisipagtapos, ang una at importanteng dapat ninyong pagtuunan ng pansin ay ang MAG-ARAL NA MABUTI. Ang sabi sa bibliya, “Wisdom is supreme”. Importante ang edukasyon sapagkat mas mabilis magtagumpay ang may alam. Hindi masamang maglaro ng gameboy at mag facebook, ngunit kailangang may limitasyon at kailangang hindi nakasasagabal sa oras ng pag-aaral. Okay lang manood ng Imortal o ng Captain Barbell, basta't hindi napapabayaan ang pag-aaral.


Lazy hands make a man poor, but diligent hands bring wealth (Proverbs 10:4).


Magsipag, magsikap na makatapos ng high school at kolehiyo.



2. BE OUTSTANDING. Being outstanding means being competitive. Huwag nating tanggapin ang katagang “pwede na”. Kung kaya mong maging #15 sa klase, paniguradong kaya mo ring pumasok sa top 10. At kung nakaya mong pumasok sa top 10, ano ang pumipigil sa’yo para maging #1?


Chino and Irish, our Valedictorian and Salutatorian for this batch 2011, you have a big responsibility to play among your peers. The entire community will look to you and see if you will succeed. And you will succeed!


I would like to address this to our dear teachers as well. Mga Ma’am at Sir, please do your students a favor by being competitive teachers. Sa bilis ng impormasyon ngayon, even our students can gain access to information via the internet. Therefore, you must also be knowledgeable kung ano ang uso at ano ang lipas na.


We must continually strive to improve ourselves in every way.


Mga mahal kong guro, alam ninyo ba kung ano ang ibig sabihin ng OMG? Ng LOL? Kilala ninyo ba kung sino ang mga Jejemon?


Of course, being outstanding has it rewards. Baka ngayon ay ordinaryong teacher ka lang pero dahil outstanding ka, bukas makalawa ay Principal ka na sa Balangubong o sa Bantug na maliit.


Isang araw ay nakatanggap ako ng message sa Facebook mula kay Noel Villaroman (anak ni Kuya Atong at Ate Nancy). Attorney na siya ngayon at author ng ilang libro tungkol sa batas. Ang sabi niya sa akin, “Kumusta na ang mommy mo? Pakisabi mo sa kanya na siya ang favorite teacher ko noong elementary”.


Ang sabi ng isang kataga, "A teacher affects eternity; no one can tell when his influence will stop".


Teachers, you have a significant role to play on the lives of your students. Huwag po ninyong sayangin ang pagkakataon na maging mabuting modelo sa ating mga kabataan.



3. MANGARAP KA. Nangarap din ako para sa bayan ng Licab.


At ikinalulugod kong makita na malaki na ang pagbabago sa ating bayan. Mas masigla na ang pagdiriwang ng pista dahil sa mga programang katulad ng Kariton Festival, Pagbibigay parangal sa mga Ulirang Licabeño, at Agro-industrial Fair. Naitaas na rin ang ating antas mula sa pagiging 5th class hanggang sa 4th municipality.


Ito ay patunay lamang na posible palang mangyari ang sinasabi sa tema ng ating graduation rites na Transformational Society.


Saludo po ako sa ating Mayor Willy Domingo, sa ating Sangguniang Bayan, at sa mga lider ng ating mga barangay.


Maaari palang magbago at umunlad ang bayan.


Ang sabi ko dati, bakit ba maraming hindi nakakakilala sa Licab? Kaya’t bilang tugon sa pangarap kong makilala ang Licab, itinatag namin ng aking kapatid na si Ian ang Licabblog at Licab.net, dalawang site sa internet na naglalaman ng impormasyon at artikulo tungkol sa Licab.


Dalawa ang layunin ng website na ito: Ang makilala ang Licab sa buong mundo; at ang makilala nating mga tiga-Licab ang ating mga sarili.


Sa edad na tatlumpu't isa, masasabi kong marami-rami na rin akong nakamit na pangarap. I have a lovely wife and a lovely daughter. We have a combined income that is enough to sustain our daily needs.


Subalit hindi tumitigil ang pangarap kung naabot mo na ang ilan. Marami pang pangarap na dapat abutin para sa sarili, sa pamilya, sa bayan, at maging sa ating mga simbahan o iglesiang kinabibilangan.


Binabati ko ang mga magulang ng mga batang magsisipagtapos sa araw na ito. Nawa po ay patuloy nating itaguyod ang ating mga anak at gabayan sila hanggang sa makatapos sila ng kanilang pag-aaral.


Higit sa lahat, isang malaking pagbati para sa ating magsisipagtapos. Ang graduation na yugtong ito ng inyong buhay ay nagbubukas ng mas maraming pagkakataon upang mangarap na magtagumpay sa iba’t ibang larangan ng ating buhay.


Mga magsisipagtapos, matuto kayong mangarap.


The power to dream is in your hands.


Hayaan ninyong gamitin ko ang katagang sinabi ni Gang Badoy, isa sa mga TOYM Awardees:


Mga kabataan, hindi kayo ang pag-asa ng bayan. Kayo ang bayan.


Kung kayo’y mangangarap at magtatagumpay, magbabago at uunlad ang ating bayan. Kung kayo'y mangangarap at magtatagumpay, magbabago at uunlad ang bansang Pilipinas.


Maraming Salamat at magandang hapon po sa ating lahat.

Tuesday, March 8, 2011

Licab Fiesta 2011 Schedule of Activities

Nakakuha tayo ng scoop tungkol sa mga gaganaping activities sa darating na Licab Town Fiesta 2011 (o ang Licab Foundation Day Celebration 2011).

Gaya ng nakagawian, tatlong araw ang selebrasyon ng kapistahan sa ating bayan; Marso 26, 27 at 28.

Marso 26: tampok sa Municipal Gymnasium ang Gabi Ng Kabataan.

Ipinagpapalagay ng inyong lingkod na ang ating mga Sangguniang Kabataan ang siyang magiging Punong Abala sa pagdiriwang na ito.

Kaya sa lahat ng ating mga kabataan mula sa Bantog na Malaki (San Casimiro) hanggang sa Bubon (San Jose) at Ablang (Barangay Aquino), Tabok at Pinatubo, ihanda na ang mga pangharabas natin diyan at tumungo na sa likod ng munisipyo upang makisaya sa ating Gabi ng Kabataan.

Marso 27: Gabi ng Licabeño/Cultural Night. May mga bagong pararangalan kaya ngayon bilang mga Ulirang Licabeño?

Magaganap din sa Marso 27 ang Kariton Festival at ang Agri-Aqua Trade Fair. Bida na naman ang ating mga alagang Kalabaw, kaya kuskusin nang maigi ang kanilang mga katawan upang mangawala na ang mga putik-putik na nakasalabat sa mga kuko ng ating kalabaw. Aba, mainam na sa paglibot sa Kariton Festival eh malinis silang tingnan.

Marso 28: Culmination ng Kapistahan ng Licab. May Photo Exhibit din daw na magaganap sa araw na ito. Siguro ay magkakaroon din ng tradisyunal na sarsuwela sa gabi. May mga inimbitahan bang artista? Wala pang balita, hano po?

--------------------

Personal na pananaw ng may-akda: Ayos lang din naman na fixed date ang pista (March 26,27,28), ngunit sa ganang akin ay mas mahusay sana kung every last sunday of the month of March na lamang ang culmination ng kapistahan- kumbaga ba eh, Biyernes, Sabado at Linggo (katulad ng dating nakagawian na). Ito ay upang mgkaroon din naman ng pagkakataon ang mga kababayan natin na nasa ibang lugar upang makauwi at makisaya sa ating Kapistahan nang hindi sila liliban (o aabsent) sa kani-kanilang mga trabaho.

Ngunit ika nga eh, sa huli, ang ating mga lider pa rin naman ang magpapasya sa kung ano ang dapat at pinakamabuti para sa ating bayan.

Maligayang Pista sa ating mga Licabeño.

Friday, February 25, 2011

Licab Town Fiesta 2011

Kumusta, mga Kabayan? Malapit na naman ang taunang Licab Town Fiesta. Ilan ba sa ating nasa malayong lugar ang makakauwi sa Licab sa darating na Marso para makiselebra sa pagdiriwang ng pista ng ating bayan?

Medyo matumal ang dating ng impormasyon sa inyong lingkod ngayon (hindi na kasi ako inaambunan ng insider tips mula sa munisipyo) kaya wala akong maibalitang kongkretong programa patungkol sa darating na pagdiriwang.

Kung hindi ako nagkakamali ay Marso 28, 2011, Lunes, ang araw ng kapistahan, kaya siguro ay marami rin sa ating mga kababayang Licabeño ang hindi na rin makakauwi dahil sa may pasok ang araw ng Lunes.

Kagaya ng mga nagdaang taon, paniguradong may Kariton Festival ngayong 2011. Malamang ay magkakaroon din ng Parada ng mga Karosa kung saan ipinaparada sa mga pangunahing lansangan ang mga Musa ng iba't ibang eskuwelahan at barangay.

Hindi siyempre mawawala ang banda ng musiko na maya't maya ay lumilibot upang magbigay aliw sa pamamagitan ng kanilang tugtugin (samantalang ang mga kalalakihan ay tuwang tuwa namang nanonood sa mga majorette ng banda).

Siguro ay magkakaroon din ng taunang Barangay Night at Sarsuwela.

Sadyang masaya ang Pista.

Huwag lamang tayong sosobra sa paggasta.



LICAB TOWN FIESTA

Thursday, February 10, 2011

Pakikiramay

Dalawang kababayan po natin ang binawian ng buhay kahapon, ika sampu ng Pebrero, 2011.


Piping Milan

Si Aling Piping ay nanirahan sa Poblacion Sur, Licab, Nueva Ecija. Siya po ang butihing ina ng isa sa ating mga naging guro sa Licab Central School, si Mrs. Iraida Mallari.


Celso Santos

Si kabayang Celso Santos po ay tubong Sta. Maria, Licab, Nueva Ecija. Mas kilala siya sa palayaw na "Tetong".


Ipinaaabot po ng Licabblog ang pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng ating mga yumaong kababayan.

Tuesday, February 1, 2011

Buro Ni Aling Bising: Tatak Licabeño

Walang diet diet tuwing uuwi sa Licab.

Hamakin mo, pag ihinain ba sa'yo ito eh magagawa mo pang mag-diyeta?



Aba, paniguradong mapapa-extra rice ka kapag inihaw na hito, o dalag, o bulig ang inilapag sa hapag-kainan.

Siyempre, hindi kumpleto ang inihaw na isda sa Licab kung hindi mo pa-partner-an ng ginisang buro.

Madali lang ang paggawa ng buro (narito ang paraan); pero kung talagang ang gusto mo lang ay mag relax, kumain, at mag enjoy habang nagbabakasyon sa Licab, mas mabuting bumili ka na lang ng Buro ni Aling Bising.

Kilalang-kilala ang burong isda ni Aling Bising. Pulido ang pagkakagawa, at talaga namang gaganahan kang kumain lalo na kung ka-partner ito ng inihaw na isda o nilagang gulay katulad ng talong, sigarilyas, talbos ng kamote, o katuray.

Sa pagkakatanda ng may-akda ay dalawa ang prominenteng tiga-gawa ng buro sa bayan ng Licab; si Aling Ebeng, na nakatira malapit sa munisipyo sa Poblacion Sur, at si Aling Bising na ang tindahan ay naroroon pa rin sa San Juan, sa gawing kanan, kung papunta ka nang Sta. Maria, o papunta ka ng sementeryo.

Sa ngayon ay hindi na masyadong naririnig ang buro ni Aling Ebeng, ngunit ang buro ni Aling Bising ay patuloy na itinitinda at patuloy na nalalasap ng mga tiga-Licab dahil sa ang sikreto ng paggawa ng masarap na buro ay isinalin na rin ng matandang Bising sa kanyang mga sumunod na henerasyon.

Mula noon hanggang ngayon, kaagapay ng hapag-kainang Licabeño ang galing at husay ni Aling Bising sa paggawa ng buro.

Buro ni Aling Bising: Tatak Licabeño (to the 10th power)


--------------------


Monday, January 17, 2011

Naka-Single

Madali nang magkaroon ng sariling motorsiklo ngayon.

Katunayan, sa Maynila, sa Cabanatuan, o sa iba pang Motor Sales Centers, hindi gaanong mataas ang requirements para ka makabili. Yung iba, kopya lang ng payslip ang kailangan. Walang downpayment, walang credit investigation.

Kaya hindi nakakapagtaka na maraming Pilipino ang nahihikayat na bumili. Paliwanag nila, mas matipid daw ng di hamak ang mag-motor kaysa sa mamasahero ka.

Kasabay ng pagdami ng gumagamit ng motorsiklo ay ang pagdami rin ng motorcycle-related accidents sa ating kakalsadahan. Sa isang pagsusuring ginawa ng CNN, pangpito sa listahan ng 10 Insane Activities for Thrill Seekers ang pagmo-motorsiklo sa Kamaynilaan. Ayon sa ulat, mahigit sa 1,500 ng naitalang aksidente sa mga hospital sa unang quarter ng 2010 ay may kaugnayan sa mga motorsiklo.

**********

Mula ng mauso ang mga single na motorsiklo sa Licab, dumami rin ang insidente ng aksidente. Tatlo sa mga kakilala kong tiga-Licab (edad 30 pababa) ang naputulan ng buhay dahil sa aksidente sa motorsiklo.

**********

Hindi natin masasabing masama ang tumangkilik sa paggamit ng motorsiklo. Hindi nga ba't naimbento ang mga ganitong uri ng mekanismo upang makatulong at mapadali ang pamumuhay ng mga mamamayan? Ngunit ang bawat pribilehiyo ay may katuwang na responsibilidad- maging sa indibidwal man, o sa ating pamahalaan.

• Responsibilidad ng mga motorista na siguruhing maayos ang pagpapatakbo nila sa kalsada.

• Isuot ang mga protective gears na required isuot (Sa ulo inilalagay ang helmet; hindi sa siko) habag nagpapatakbo ng motorsiklo.

• Siguruhing nasa maayos na kundisyon ang makina at brakes ng motor bago ito gamitin.

• Huwag magsakay ng higit sa nararapat na pasahero.

• Tumupad sa mga traffic rules and ordinances sa pagmamaneho.

• Sa panig naman ng pamahalaan, dapat ipatupad ang No License, No Driving policy. Lahat ba ng motorista sa Licab ay may lisensiya? Wala bang kabataan na edad 18 pababa ang nakapagmo-motor?

• Magpatupad ng traffic rules and regulations.

• Magbigay ng babala o signages sa mga accident prone areas sa ating bayan.

• Kung maaari, magsagawa ng seminar para sa motorista.


Madali nang magkaroon ng sariling motorsiklo ngayon. Ngunit dapat, maging responsable ang mga indibidwal at maging ang lokal na pamahalaan upang mabawasan, kundi man maiwasan ang mga sakuna.