Hamakin mo, pag ihinain ba sa'yo ito eh magagawa mo pang mag-diyeta?
Aba, paniguradong mapapa-extra rice ka kapag inihaw na hito, o dalag, o bulig ang inilapag sa hapag-kainan.
Siyempre, hindi kumpleto ang inihaw na isda sa Licab kung hindi mo pa-partner-an ng ginisang buro.
Madali lang ang paggawa ng buro (narito ang paraan); pero kung talagang ang gusto mo lang ay mag relax, kumain, at mag enjoy habang nagbabakasyon sa Licab, mas mabuting bumili ka na lang ng Buro ni Aling Bising.
Kilalang-kilala ang burong isda ni Aling Bising. Pulido ang pagkakagawa, at talaga namang gaganahan kang kumain lalo na kung ka-partner ito ng inihaw na isda o nilagang gulay katulad ng talong, sigarilyas, talbos ng kamote, o katuray.
Sa pagkakatanda ng may-akda ay dalawa ang prominenteng tiga-gawa ng buro sa bayan ng Licab; si Aling Ebeng, na nakatira malapit sa munisipyo sa Poblacion Sur, at si Aling Bising na ang tindahan ay naroroon pa rin sa San Juan, sa gawing kanan, kung papunta ka nang Sta. Maria, o papunta ka ng sementeryo.
Sa ngayon ay hindi na masyadong naririnig ang buro ni Aling Ebeng, ngunit ang buro ni Aling Bising ay patuloy na itinitinda at patuloy na nalalasap ng mga tiga-Licab dahil sa ang sikreto ng paggawa ng masarap na buro ay isinalin na rin ng matandang Bising sa kanyang mga sumunod na henerasyon.
Mula noon hanggang ngayon, kaagapay ng hapag-kainang Licabeño ang galing at husay ni Aling Bising sa paggawa ng buro.
Buro ni Aling Bising: Tatak Licabeño (to the 10th power)
--------------------