Tuesday, April 5, 2011

Keynote Address- Licab Central School Graduation 2011

THE GRADUATE: A PARTNER TOWARDS TRANSFORMATIONAL SOCIETY, AN ANSWER TO SOCIETAL CHANGE
Keynote Address
Licab Central School Graduation Ceremony
04 April 2011
Joy Konstantine G. Agustin


Karamihan sa mga estudyanteng magsisipagtapos ngayong araw na ito ay nasa edad na labindalawang taon, kaya’t hayaan ninyong magsimula ako sa kwento ng isang batang Chinese na napadpad sa Pilipinas sa edad na labingdalawa.


Dahil sa kahirapan, napilitan siyang magtrabaho sa isang sari-sari store sa Maynila. Sa kasamaang palad, nang sakupin ng mga hapon ang Pilipinas noong WWII, nasunog ang sari-sari store na iyon, kaya kahit anong trabaho ay pinasukan niya para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.


Simple lang ang pangarap ng batang iyon: ang makaahon sa kahirapan.


Kaya’t nagpatuloy siyang magsikap hanggang sa natutunan niya ang pagbebenta ng mga sapatos. Sa patuloy na pagtityaga, nakapagbukas siya ng isang tindahan ng sapatos na pinangalanan niyang SHOEMART, o mas kilala sa tawag ngayon na SM. Sa ngayon, ang batang iyon, si Henry Sy, ang siyang nagmamay-ari ng pinakasikat at pinakamaraming malls sa buong Pilipinas.


Kahirapan din ang nagtulak sa isa pang batang Chinese para magtabaho sa edad na labintatlo.


Nang mamatay ang ama, inako niya ang responsibilidad na itaguyod ang pamilya. Araw-araw, gumigising siya tuwing alas singko ng umaga para magbisikleta papunta sa palengke kung saan siya nagtitinda katabi ang iba pang tindero at tindera na di hamak na mas matanda sa kanya.


Sa edad na labinlima, naisip ng batang iyon, “kung kaya kong makipagsabayan sa mga taong mas matanda pa sa akin, at kung sa edad na labinlima ay kaya ko nang itaguyod ang aking pamilya, aba! Kaya kong gawin ang kahit na ano!”


Ngayon, ang batang iyon, si John Gokongwei at ang kanyang kumpanyang JG Summit ang nagmamay-ari ng mga Robinsons Malls, Cebu Pacific Airline, Robinsons Bank, Universal Robina Corporation, at kahati sa nagmamay-ari ng Sun Cellular at Digitel.


Taong 1992, isang batang graduate ng Licab Central School ang nagkaroon ng isang simpleng pangarap. Habang pinapanood ang Guest Speaker na nagsasalita sa entablado, sinabi ng batang iyon sa kanyang sarili na balang araw ay tatayo rin siya sa entabladong ito upang maging Guest Speaker at makapagbigay ng inspirasyon sa mga kabataan. 19 na taon mula noon, sa araw na ito, natupad ng batang iyon, o mas tama sigurong sabihing natupad ko, ang aking simpleng pangarap.


Mga magsisipagtapos, mga magulang, mga guro, mga panauhin, magandang hapon po sa inyong lahat.


Umalis ako sa Licab Central School na may mataas na confidence sa sarili. Bakit hindi? Salutatorian ako ng gumradweyt. Marami-rami ring medals na natanggap. Presidente ng Barangayette at ng kung anu-anong club sa eskuwelahan.


Pero nahirapan akong mag-adjust pagpasok sa CLSU Science High School. Kung dito sa Central ay isa ako sa mga nangunguna, naging pangkaraniwang estudyante lang ako dahil sa dami ng mga estudyante na mas matatalino at mas advanced ang kaalaman kaysa sa akin.


Noong mga panahong iyon, 1990s, ay bihirang bihira pa ang may computer, kaya’t kapag mayroon kaming mga term papers na kailangang gawin ay napipilitan pang manghiram ng makinilya ang aking ama kay Ate Tessie Tinio dito sa Licab Central.


Wala pang internet, wala pang google at yahoo, kaya’t ang lahat ng research ay kailangang tiyagaing hanapin sa mga libro sa library. Ilan lang din naman kasi ang may encyclopedia.


Hindi pa rin uso ang photocopiers sa Licab, kaya obligadong kopyahin ng sulat kamay ang ilang mga importanteng impormasyon.


Wala pang cellphone at text, kaya kung may kailangan ay napipilitan kaming maghintay ng biyahe at sumabit sa likod ng jeep o umupo sa pahalang mula Sicsican hanggang Licab.


Noon ding 1990s ay may mga gumagamit pa ng black & white tv, betamax, at vhs. Hanggang Channel 13 lang ang pwedeng panoorin, at kailangan mong tumayo at ikutin ang pihitan para mailipat ang channel sa Coney Reyes on Camera, sa That’s Entertainment upang mapanood na sumayaw ang Tuesday Group, o sa Eye to Eye ni Inday Badiday kung gusto mong malaman ang tsismis tungkol kay Aga Muhlach. Inililipat naman ang telebisyon sa Channel 9 kapag gusto nating malaman kung anong oras na.


Fast forward ngayong 2011, hindi na ginagamit ang karamihan sa mga bagay na nabanggit ko kanina. Ibang-iba na ang Lipunan o ang Society na ating ginagalawan.


Importante po na mai-define natin o maintindihan natin kung ano na ba ang kasulukuyang kalagayan ng ating Lipunan upang malaman natin kung paano ba tayo magiging kaagapay sa pagbabagong anyo ng lipunan na siyang paksa ng ating graduation rites sa taong ito.


We live in the age of technology.


Masyado nang mabilis ang pagdating ng mga impormasyon sa atin.


Ang lindol sa Japan kamakailan ay patunay kung paanong sa ilang minuto lamang ay napapanood na natin sa harap ng telebisyon ang sakunang naging dulot nito sa bansang Hapon.


Ngayon, sa pamamagitan ng google sa internet ay kaya mo nang mag download ng sandamakmak, sandamukal at sangkaterbang impormasyon tungkol sa kahit na anong bagay.


Sa yahoo messenger ay maaari mo ring makausap at makita ang kamag-anak na nasa ibang bansa. Sa facebook ay maaari mong mahanap at muling makumusta ang mga kaibigang matagal nang hindi nakikita.


Kung dati’y naghihintay ka ng ilang araw bago dumating ang sulat, ngayon, sa ilang segundo lamang ay naipapadala at natatanggap na ang email.


May ilan na siguro sa ating mga kababayan ang may cable tv; may iphone, may ipod, may laptop at kung anu-ano pang makabagong kagamitan.


Hindi na teacher o abogado o inhinyero ang sikat na trabaho. Sa ngayon, mas in demand ang maging Call Center Agent, caregiver, at Computer technicians.


Kung ating susuriin ay wala namang masama sa mga makabagong teknolohiyang ito. Inimbento ang mga ito upang matulungan tayo at mapagaang ang ating mga buhay. Dahil dito’y mas tama sigurong sabihin na sa halip na pagsumikapan nating baguhin ang lipunan, ay suriin natin at tingnan kung paano natin babaguhin ang ating mga sarili upang makasabay tayo sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa lipunang ating ginagalawan.


1. Mga magsisipagtapos, ang una at importanteng dapat ninyong pagtuunan ng pansin ay ang MAG-ARAL NA MABUTI. Ang sabi sa bibliya, “Wisdom is supreme”. Importante ang edukasyon sapagkat mas mabilis magtagumpay ang may alam. Hindi masamang maglaro ng gameboy at mag facebook, ngunit kailangang may limitasyon at kailangang hindi nakasasagabal sa oras ng pag-aaral. Okay lang manood ng Imortal o ng Captain Barbell, basta't hindi napapabayaan ang pag-aaral.


Lazy hands make a man poor, but diligent hands bring wealth (Proverbs 10:4).


Magsipag, magsikap na makatapos ng high school at kolehiyo.



2. BE OUTSTANDING. Being outstanding means being competitive. Huwag nating tanggapin ang katagang “pwede na”. Kung kaya mong maging #15 sa klase, paniguradong kaya mo ring pumasok sa top 10. At kung nakaya mong pumasok sa top 10, ano ang pumipigil sa’yo para maging #1?


Chino and Irish, our Valedictorian and Salutatorian for this batch 2011, you have a big responsibility to play among your peers. The entire community will look to you and see if you will succeed. And you will succeed!


I would like to address this to our dear teachers as well. Mga Ma’am at Sir, please do your students a favor by being competitive teachers. Sa bilis ng impormasyon ngayon, even our students can gain access to information via the internet. Therefore, you must also be knowledgeable kung ano ang uso at ano ang lipas na.


We must continually strive to improve ourselves in every way.


Mga mahal kong guro, alam ninyo ba kung ano ang ibig sabihin ng OMG? Ng LOL? Kilala ninyo ba kung sino ang mga Jejemon?


Of course, being outstanding has it rewards. Baka ngayon ay ordinaryong teacher ka lang pero dahil outstanding ka, bukas makalawa ay Principal ka na sa Balangubong o sa Bantug na maliit.


Isang araw ay nakatanggap ako ng message sa Facebook mula kay Noel Villaroman (anak ni Kuya Atong at Ate Nancy). Attorney na siya ngayon at author ng ilang libro tungkol sa batas. Ang sabi niya sa akin, “Kumusta na ang mommy mo? Pakisabi mo sa kanya na siya ang favorite teacher ko noong elementary”.


Ang sabi ng isang kataga, "A teacher affects eternity; no one can tell when his influence will stop".


Teachers, you have a significant role to play on the lives of your students. Huwag po ninyong sayangin ang pagkakataon na maging mabuting modelo sa ating mga kabataan.



3. MANGARAP KA. Nangarap din ako para sa bayan ng Licab.


At ikinalulugod kong makita na malaki na ang pagbabago sa ating bayan. Mas masigla na ang pagdiriwang ng pista dahil sa mga programang katulad ng Kariton Festival, Pagbibigay parangal sa mga Ulirang Licabeño, at Agro-industrial Fair. Naitaas na rin ang ating antas mula sa pagiging 5th class hanggang sa 4th municipality.


Ito ay patunay lamang na posible palang mangyari ang sinasabi sa tema ng ating graduation rites na Transformational Society.


Saludo po ako sa ating Mayor Willy Domingo, sa ating Sangguniang Bayan, at sa mga lider ng ating mga barangay.


Maaari palang magbago at umunlad ang bayan.


Ang sabi ko dati, bakit ba maraming hindi nakakakilala sa Licab? Kaya’t bilang tugon sa pangarap kong makilala ang Licab, itinatag namin ng aking kapatid na si Ian ang Licabblog at Licab.net, dalawang site sa internet na naglalaman ng impormasyon at artikulo tungkol sa Licab.


Dalawa ang layunin ng website na ito: Ang makilala ang Licab sa buong mundo; at ang makilala nating mga tiga-Licab ang ating mga sarili.


Sa edad na tatlumpu't isa, masasabi kong marami-rami na rin akong nakamit na pangarap. I have a lovely wife and a lovely daughter. We have a combined income that is enough to sustain our daily needs.


Subalit hindi tumitigil ang pangarap kung naabot mo na ang ilan. Marami pang pangarap na dapat abutin para sa sarili, sa pamilya, sa bayan, at maging sa ating mga simbahan o iglesiang kinabibilangan.


Binabati ko ang mga magulang ng mga batang magsisipagtapos sa araw na ito. Nawa po ay patuloy nating itaguyod ang ating mga anak at gabayan sila hanggang sa makatapos sila ng kanilang pag-aaral.


Higit sa lahat, isang malaking pagbati para sa ating magsisipagtapos. Ang graduation na yugtong ito ng inyong buhay ay nagbubukas ng mas maraming pagkakataon upang mangarap na magtagumpay sa iba’t ibang larangan ng ating buhay.


Mga magsisipagtapos, matuto kayong mangarap.


The power to dream is in your hands.


Hayaan ninyong gamitin ko ang katagang sinabi ni Gang Badoy, isa sa mga TOYM Awardees:


Mga kabataan, hindi kayo ang pag-asa ng bayan. Kayo ang bayan.


Kung kayo’y mangangarap at magtatagumpay, magbabago at uunlad ang ating bayan. Kung kayo'y mangangarap at magtatagumpay, magbabago at uunlad ang bansang Pilipinas.


Maraming Salamat at magandang hapon po sa ating lahat.