Kadalasan, kapag pagkagising mo sa umaga eh diretso ka na sa paminggalan (maliit na kabinet na lagayan ng mga plato, mangkok, tasa, baso, atbp.) para kuhanin ang sarten ( baso o tasa na gawa sa lata) para timplahan ng mainit na kape (lalo pang magkakatalo kung ang gagamitin mong panggatas eh yung gatas ng kalabaw).
At dahil may kape, hindi dapat mawala ang hot pan de sal.
Bihira pa ang mga panaderya sa Licab noong dekada 80. Ang tanging panaderya lang na alam ng may-akda noong mga panahong iyon ay iyong nasa may San Cristobal. Kapag umaga naman ay may mga naka-bisikleta na naglilibot upang magbenta ng pan de sal (na naka lagay sa clear plastic) at pindang (pahabang magkakadikit na tinapay na may asukal sa ibabaw at nakabalot naman sa brown paper bag).
Kalimitang nangagmumula pa sa mga kalapit-bayan ng Licab (tulad ng Quezon at Sto. Domingo) ang mga naglalako ng tinapay, at kung minsan ay ibinabagsak lang nila sa mga tindahan sa Licab ang mga tinapay (katulad ng tindahan ni Ate Mimang Dela Cruz sa Poblacion Sur, katabi ng bahay nila Terang noong araw).
Kapag dating naman ng hapon at gustong mag-meryenda, malamang ay sa tindahan ni Piwa na ang punta mo para bumili ng biscuit (katulad ng Hansel, Rebisco Choco Sandwich at Club House Crackers).
Hindi rin uso ang Pan de Amerikano (Tasty Bread) noong Dekada 80. Nakikita lang ang mga ganitong tinapay kapag Pasko, Bagong Taon, at Fiesta, at kadalasang sinasadya pang bilhin sa Cabanatuan.
Sa pagpasok ng Dekada 90, isang dayuhang pamilya ang nagtayo ng panaderya sa isang apartment sa hanay ng Burgos Street (Don Dalmacio Esguerra Avenue na ngayon) sa Poblacion Sur. Dahil dito'y nagkaroon na nang steady supply ng mainit na pan de sal, tasty bread, pan de coco, kababayan, spanish bread, at cheese bread sa ating munting bayan.
Higit dalawampung taon mula noon, kinikilala na ngayon sa Licab bilang isang "household name" ang Lalog Bakery.
Mula rin sa lumang Villaroman Apartment ay lumipat na sa isang mas malaking pwesto sa tapat ng munisipyo ng Licab ang Lalog Bakery, at ang dating tindahan lang ng mga gawang tinapay ay nadagdagan na rin ngayon ng iba pang kalakal.
Nakatutuwa ring isipin na ang pamilya ng mga Lalog, maging ang kanilang mga empleyado sa panaderya, ay namumuhay ngayon sa ating bayan na pawang mga likas o tubong Licab.
Sa ngayon ay may ibang mga panaderya na rin ang umusbong sa ating bayan-isang simpleng tanda na kahit paano'y umuunlad ang Licab sapagkat nagkakaroon ng mga bagong kalakal na nakapagbibigay ng trabaho at dagdag-kita sa ilan sa ating mga kababayan.
(Bukas ang patnugutan ng Licab Blog kung may nais itama o idagdag na impormasyon ang Lalog Bakery sa lathalaing ito. Maaaring mag email sa licabblog@gmail.com )
----------------------------