Sunday, March 11, 2012

Licab: 118th Founding Anniversary

March 28, 2012 marks the 118 Founding Anniversary of Licab, Nueva Ecija.


This year, the events organizers have once again whipped off exciting activities to celebrate this momeontous occassion.


Guided with the theme: "LICABEÑO: Balik Tipon at Magsaya, Sa Pag-unlad Sama-sama!", the 4-day celebration strives to inculcate to all Licabeños that everyone must unite together as one body towards a progressive community.


Various events and activities are in-store from March 28 to 31, 2012.







Wednesday, January 4, 2012

Pong Rivera

Patuloy pang inaalam ng Licabblog kung totoo ang balitang pinagbabaril daw ngayon, January 4, 2012, si Pong Rivera, kasalukuyang naninilbihang Konsehal (Sangguniang Bayan), sa kanilang tirahan sa San Casimiro, Nueva Ecija.

Ang sinumang may karagdagang balita tungkol sa kaganapan ay maaaring mag-iwan ng komento sa blog na ito upang ang ilan pa sa atin ay patuloy na malaman ang karagdagang impormasyon tungkol sa nabanggit na karahasan.

Sunday, January 1, 2012

Lumang Kaugalian Sa Bagong Taon

Hindi na masyadong uso ngayon ang bumbong na gawa sa kawayan pero noong dekada 90 eh marami pa ring gumagawa nito sa Licab. Pumipili ang mga kalalakihan ng magandang uri ng kawayan, mga 3 o 4 na piye ang haba. Tinatanggal ang mga takip sa buko at nilalagyan ng isang maliit na butas.

Matapos nito'y nilalagyan ng kalburo (na kadalasang nabibili lamang noon kina Mang Aning na nasa kanto ng papuntang Villarosa, o dun sa isang tindahan na nasa may San Cristobal).


Sa bandang hapon pa lamang ng a-treinta'y uno ng Disyembre ay nagtitipon-tipon na ang mga kalalakihan at mga bata sa paligid ng bumbong. Nilalagay ang kalburo katapat ng maliit na butas at dinidilig ng kaunting tubig, kasabay ng pagtakip ng mga daliri. Kapag naramdaman nang umiinit ang loob ng bumbong ay saka naman tatapatan ng apoy ang maliit na butas upang makalikha ng isang pagsabog na pumupunit sa tahimik na paligid ng barangay.


Simple lamang ngunit masaya ang pagsalubong ng Bagong Taon sa bayan ng Licab noong dekada 90.


Sa pagdaan ng panahon ay may mga pagbabago na ring naganap sa pagsalubong ng mga mamamayan sa Bagong Taon. Iba't ibang pailaw at paputok na ang nabibili. Ang mga bumbong na kanyon ay napalitan na ng kanyon na gawa sa "pvc". Ang mga permenante, watusi, batibot at 5 star ay lipas na dahil napalitan na ito ng picollo, goodbye Philippines, goodbye universe, at ngayon daw ay may goodbye bading pa.


Mukhang hindi na rin ganoon karami ang nagsisimba sa gabi ng a-treinta'y uno ng Disyembre; di tulad ng dati na mistulang may prusisyon pagkatapos ng misa sa dami ng taong umuuwi mula sa simbahan at manaka-nakang nagkakatakutan at nagkakatawanan kapag may mga pilyong lalaking basta na lamang naghahagis ng paputok sa mga gilid ng kalsada.


Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito ay marami pa ring mga kaugaliang hindi nawawala sa pagsalubong ng bagong taon.


1. Paglalagay ng 12 uri ng prutas na bilog sa ibabaw ng hapag-kainan para maging swerte raw ang pagpasok ng bagong taon. Kalimita'y pakwan, melon, mansanas, ubas, dalanghita, kahel, suha, at peras ang kasama sa mga prutas na ito.


2. Pagsusuot ng polka dots na sumisimbolo sa mga barya upang marami raw pera sa loob ng isang taon.


3. Paglalagay ng mga barya sa mga pasimano ng bintana at pintuan upang pumasok daw ang pera sa loob ng bahay.


4. Pag-alog ng barya sa dalawang kamay pagsapit ng alas dose.


5. Pagtalon pagsapit ng alas dose upang tumangkad.


6. Kailangan ding puno ang mga lalagyan ng bigas, asin, asukal, atbp. upang buong taon ay sagana sa mga pangangailangan sa bahay.


7. Bukas dapat lahat ng ilaw upang maging maliwanag ang buong taon.


8. Bukas ang bintana at pinto upang pumasok ang swerte.


9. Mag-ingay upang mailayo ang mga masasamang espiritu palabas ng bahay. Kaya nga may mga paputok, torotot, at pagkalampag sa mga kaldero, kawali at batya.


Ilan lang iyan sa mga kaugaliang maaaring hindi na natin pinaniniwalaan sa ngayon subalit patuloy pa rin nating sinusunod at ginagawa taun-taon.


Maaaring simple lamang ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang tradisyong ito- sapagkat malungkot at hindi mukhang Bagong Taon kung hindi natin ito gagawin.


==================


Mula sa pamunuan ng Licabblog, Maligayang Pasko at Pinagpalang Bagong Taon sa lahat ng mga Licabeño!


Thursday, December 1, 2011

Init At Lamig

Sadya mang kaylamig ng nararamdaman dulot ng hanging dumadampi tuwing panahon ng kapaskuhan, ako'y muling maglalakbay pauwi sa aking mahal na bayan upang muling madama ang init ng pagmamahal na sa tuwina'y nadarama kapag kapiling ang mga mahal sa buhay.

Tara na sa Licab! Pasko'y narito na!

Wednesday, June 1, 2011

Lalog Bakery: Tatak Licabeño

Nakaugalian na sa halos lahat ng bahayan sa Licab ang pag-a-almusal upang pasimulan ang isang bagong araw.

Kadalasan, kapag pagkagising mo sa umaga eh diretso ka na sa paminggalan (maliit na kabinet na lagayan ng mga plato, mangkok, tasa, baso, atbp.) para kuhanin ang sarten ( baso o tasa na gawa sa lata) para timplahan ng mainit na kape (lalo pang magkakatalo kung ang gagamitin mong panggatas eh yung gatas ng kalabaw).

At dahil may kape, hindi dapat mawala ang hot pan de sal.



Bihira pa ang mga panaderya sa Licab noong dekada 80. Ang tanging panaderya lang na alam ng may-akda noong mga panahong iyon ay iyong nasa may San Cristobal. Kapag umaga naman ay may mga naka-bisikleta na naglilibot upang magbenta ng pan de sal (na naka lagay sa clear plastic) at pindang (pahabang magkakadikit na tinapay na may asukal sa ibabaw at nakabalot naman sa brown paper bag).

Kalimitang nangagmumula pa sa mga kalapit-bayan ng Licab (tulad ng Quezon at Sto. Domingo) ang mga naglalako ng tinapay, at kung minsan ay ibinabagsak lang nila sa mga tindahan sa Licab ang mga tinapay (katulad ng tindahan ni Ate Mimang Dela Cruz sa Poblacion Sur, katabi ng bahay nila Terang noong araw).

Kapag dating naman ng hapon at gustong mag-meryenda, malamang ay sa tindahan ni Piwa na ang punta mo para bumili ng biscuit (katulad ng Hansel, Rebisco Choco Sandwich at Club House Crackers).

Hindi rin uso ang Pan de Amerikano (Tasty Bread) noong Dekada 80. Nakikita lang ang mga ganitong tinapay kapag Pasko, Bagong Taon, at Fiesta, at kadalasang sinasadya pang bilhin sa Cabanatuan.


Sa pagpasok ng Dekada 90, isang dayuhang pamilya ang nagtayo ng panaderya sa isang apartment sa hanay ng Burgos Street (Don Dalmacio Esguerra Avenue na ngayon) sa Poblacion Sur. Dahil dito'y nagkaroon na nang steady supply ng mainit na pan de sal, tasty bread, pan de coco, kababayan, spanish bread, at cheese bread sa ating munting bayan.

Higit dalawampung taon mula noon, kinikilala na ngayon sa Licab bilang isang "household name" ang Lalog Bakery.

Mula rin sa lumang Villaroman Apartment ay lumipat na sa isang mas malaking pwesto sa tapat ng munisipyo ng Licab ang Lalog Bakery, at ang dating tindahan lang ng mga gawang tinapay ay nadagdagan na rin ngayon ng iba pang kalakal.

Nakatutuwa ring isipin na ang pamilya ng mga Lalog, maging ang kanilang mga empleyado sa panaderya, ay namumuhay ngayon sa ating bayan na pawang mga likas o tubong Licab.

Sa ngayon ay may ibang mga panaderya na rin ang umusbong sa ating bayan-isang simpleng tanda na kahit paano'y umuunlad ang Licab sapagkat nagkakaroon ng mga bagong kalakal na nakapagbibigay ng trabaho at dagdag-kita sa ilan sa ating mga kababayan.

(Bukas ang patnugutan ng Licab Blog kung may nais itama o idagdag na impormasyon ang Lalog Bakery sa lathalaing ito. Maaaring mag email sa licabblog@gmail.com )


----------------------------







Sunday, April 10, 2011

Diksiyunaryong Licabeño Series #1

Mga kabayang Licabeño, tulungan ninyo naman ako. Ito'y katanungang matagal nang sa aki'y gumugulo.

Ano ba ang pagkakaiba ng Bigwas sa Buntal at sa Bira?

Tuesday, April 5, 2011

Keynote Address- Licab Central School Graduation 2011

THE GRADUATE: A PARTNER TOWARDS TRANSFORMATIONAL SOCIETY, AN ANSWER TO SOCIETAL CHANGE
Keynote Address
Licab Central School Graduation Ceremony
04 April 2011
Joy Konstantine G. Agustin


Karamihan sa mga estudyanteng magsisipagtapos ngayong araw na ito ay nasa edad na labindalawang taon, kaya’t hayaan ninyong magsimula ako sa kwento ng isang batang Chinese na napadpad sa Pilipinas sa edad na labingdalawa.


Dahil sa kahirapan, napilitan siyang magtrabaho sa isang sari-sari store sa Maynila. Sa kasamaang palad, nang sakupin ng mga hapon ang Pilipinas noong WWII, nasunog ang sari-sari store na iyon, kaya kahit anong trabaho ay pinasukan niya para matustusan ang pangangailangan ng pamilya.


Simple lang ang pangarap ng batang iyon: ang makaahon sa kahirapan.


Kaya’t nagpatuloy siyang magsikap hanggang sa natutunan niya ang pagbebenta ng mga sapatos. Sa patuloy na pagtityaga, nakapagbukas siya ng isang tindahan ng sapatos na pinangalanan niyang SHOEMART, o mas kilala sa tawag ngayon na SM. Sa ngayon, ang batang iyon, si Henry Sy, ang siyang nagmamay-ari ng pinakasikat at pinakamaraming malls sa buong Pilipinas.


Kahirapan din ang nagtulak sa isa pang batang Chinese para magtabaho sa edad na labintatlo.


Nang mamatay ang ama, inako niya ang responsibilidad na itaguyod ang pamilya. Araw-araw, gumigising siya tuwing alas singko ng umaga para magbisikleta papunta sa palengke kung saan siya nagtitinda katabi ang iba pang tindero at tindera na di hamak na mas matanda sa kanya.


Sa edad na labinlima, naisip ng batang iyon, “kung kaya kong makipagsabayan sa mga taong mas matanda pa sa akin, at kung sa edad na labinlima ay kaya ko nang itaguyod ang aking pamilya, aba! Kaya kong gawin ang kahit na ano!”


Ngayon, ang batang iyon, si John Gokongwei at ang kanyang kumpanyang JG Summit ang nagmamay-ari ng mga Robinsons Malls, Cebu Pacific Airline, Robinsons Bank, Universal Robina Corporation, at kahati sa nagmamay-ari ng Sun Cellular at Digitel.


Taong 1992, isang batang graduate ng Licab Central School ang nagkaroon ng isang simpleng pangarap. Habang pinapanood ang Guest Speaker na nagsasalita sa entablado, sinabi ng batang iyon sa kanyang sarili na balang araw ay tatayo rin siya sa entabladong ito upang maging Guest Speaker at makapagbigay ng inspirasyon sa mga kabataan. 19 na taon mula noon, sa araw na ito, natupad ng batang iyon, o mas tama sigurong sabihing natupad ko, ang aking simpleng pangarap.


Mga magsisipagtapos, mga magulang, mga guro, mga panauhin, magandang hapon po sa inyong lahat.


Umalis ako sa Licab Central School na may mataas na confidence sa sarili. Bakit hindi? Salutatorian ako ng gumradweyt. Marami-rami ring medals na natanggap. Presidente ng Barangayette at ng kung anu-anong club sa eskuwelahan.


Pero nahirapan akong mag-adjust pagpasok sa CLSU Science High School. Kung dito sa Central ay isa ako sa mga nangunguna, naging pangkaraniwang estudyante lang ako dahil sa dami ng mga estudyante na mas matatalino at mas advanced ang kaalaman kaysa sa akin.


Noong mga panahong iyon, 1990s, ay bihirang bihira pa ang may computer, kaya’t kapag mayroon kaming mga term papers na kailangang gawin ay napipilitan pang manghiram ng makinilya ang aking ama kay Ate Tessie Tinio dito sa Licab Central.


Wala pang internet, wala pang google at yahoo, kaya’t ang lahat ng research ay kailangang tiyagaing hanapin sa mga libro sa library. Ilan lang din naman kasi ang may encyclopedia.


Hindi pa rin uso ang photocopiers sa Licab, kaya obligadong kopyahin ng sulat kamay ang ilang mga importanteng impormasyon.


Wala pang cellphone at text, kaya kung may kailangan ay napipilitan kaming maghintay ng biyahe at sumabit sa likod ng jeep o umupo sa pahalang mula Sicsican hanggang Licab.


Noon ding 1990s ay may mga gumagamit pa ng black & white tv, betamax, at vhs. Hanggang Channel 13 lang ang pwedeng panoorin, at kailangan mong tumayo at ikutin ang pihitan para mailipat ang channel sa Coney Reyes on Camera, sa That’s Entertainment upang mapanood na sumayaw ang Tuesday Group, o sa Eye to Eye ni Inday Badiday kung gusto mong malaman ang tsismis tungkol kay Aga Muhlach. Inililipat naman ang telebisyon sa Channel 9 kapag gusto nating malaman kung anong oras na.


Fast forward ngayong 2011, hindi na ginagamit ang karamihan sa mga bagay na nabanggit ko kanina. Ibang-iba na ang Lipunan o ang Society na ating ginagalawan.


Importante po na mai-define natin o maintindihan natin kung ano na ba ang kasulukuyang kalagayan ng ating Lipunan upang malaman natin kung paano ba tayo magiging kaagapay sa pagbabagong anyo ng lipunan na siyang paksa ng ating graduation rites sa taong ito.


We live in the age of technology.


Masyado nang mabilis ang pagdating ng mga impormasyon sa atin.


Ang lindol sa Japan kamakailan ay patunay kung paanong sa ilang minuto lamang ay napapanood na natin sa harap ng telebisyon ang sakunang naging dulot nito sa bansang Hapon.


Ngayon, sa pamamagitan ng google sa internet ay kaya mo nang mag download ng sandamakmak, sandamukal at sangkaterbang impormasyon tungkol sa kahit na anong bagay.


Sa yahoo messenger ay maaari mo ring makausap at makita ang kamag-anak na nasa ibang bansa. Sa facebook ay maaari mong mahanap at muling makumusta ang mga kaibigang matagal nang hindi nakikita.


Kung dati’y naghihintay ka ng ilang araw bago dumating ang sulat, ngayon, sa ilang segundo lamang ay naipapadala at natatanggap na ang email.


May ilan na siguro sa ating mga kababayan ang may cable tv; may iphone, may ipod, may laptop at kung anu-ano pang makabagong kagamitan.


Hindi na teacher o abogado o inhinyero ang sikat na trabaho. Sa ngayon, mas in demand ang maging Call Center Agent, caregiver, at Computer technicians.


Kung ating susuriin ay wala namang masama sa mga makabagong teknolohiyang ito. Inimbento ang mga ito upang matulungan tayo at mapagaang ang ating mga buhay. Dahil dito’y mas tama sigurong sabihin na sa halip na pagsumikapan nating baguhin ang lipunan, ay suriin natin at tingnan kung paano natin babaguhin ang ating mga sarili upang makasabay tayo sa mabilis na pagbabagong nagaganap sa lipunang ating ginagalawan.


1. Mga magsisipagtapos, ang una at importanteng dapat ninyong pagtuunan ng pansin ay ang MAG-ARAL NA MABUTI. Ang sabi sa bibliya, “Wisdom is supreme”. Importante ang edukasyon sapagkat mas mabilis magtagumpay ang may alam. Hindi masamang maglaro ng gameboy at mag facebook, ngunit kailangang may limitasyon at kailangang hindi nakasasagabal sa oras ng pag-aaral. Okay lang manood ng Imortal o ng Captain Barbell, basta't hindi napapabayaan ang pag-aaral.


Lazy hands make a man poor, but diligent hands bring wealth (Proverbs 10:4).


Magsipag, magsikap na makatapos ng high school at kolehiyo.



2. BE OUTSTANDING. Being outstanding means being competitive. Huwag nating tanggapin ang katagang “pwede na”. Kung kaya mong maging #15 sa klase, paniguradong kaya mo ring pumasok sa top 10. At kung nakaya mong pumasok sa top 10, ano ang pumipigil sa’yo para maging #1?


Chino and Irish, our Valedictorian and Salutatorian for this batch 2011, you have a big responsibility to play among your peers. The entire community will look to you and see if you will succeed. And you will succeed!


I would like to address this to our dear teachers as well. Mga Ma’am at Sir, please do your students a favor by being competitive teachers. Sa bilis ng impormasyon ngayon, even our students can gain access to information via the internet. Therefore, you must also be knowledgeable kung ano ang uso at ano ang lipas na.


We must continually strive to improve ourselves in every way.


Mga mahal kong guro, alam ninyo ba kung ano ang ibig sabihin ng OMG? Ng LOL? Kilala ninyo ba kung sino ang mga Jejemon?


Of course, being outstanding has it rewards. Baka ngayon ay ordinaryong teacher ka lang pero dahil outstanding ka, bukas makalawa ay Principal ka na sa Balangubong o sa Bantug na maliit.


Isang araw ay nakatanggap ako ng message sa Facebook mula kay Noel Villaroman (anak ni Kuya Atong at Ate Nancy). Attorney na siya ngayon at author ng ilang libro tungkol sa batas. Ang sabi niya sa akin, “Kumusta na ang mommy mo? Pakisabi mo sa kanya na siya ang favorite teacher ko noong elementary”.


Ang sabi ng isang kataga, "A teacher affects eternity; no one can tell when his influence will stop".


Teachers, you have a significant role to play on the lives of your students. Huwag po ninyong sayangin ang pagkakataon na maging mabuting modelo sa ating mga kabataan.



3. MANGARAP KA. Nangarap din ako para sa bayan ng Licab.


At ikinalulugod kong makita na malaki na ang pagbabago sa ating bayan. Mas masigla na ang pagdiriwang ng pista dahil sa mga programang katulad ng Kariton Festival, Pagbibigay parangal sa mga Ulirang Licabeño, at Agro-industrial Fair. Naitaas na rin ang ating antas mula sa pagiging 5th class hanggang sa 4th municipality.


Ito ay patunay lamang na posible palang mangyari ang sinasabi sa tema ng ating graduation rites na Transformational Society.


Saludo po ako sa ating Mayor Willy Domingo, sa ating Sangguniang Bayan, at sa mga lider ng ating mga barangay.


Maaari palang magbago at umunlad ang bayan.


Ang sabi ko dati, bakit ba maraming hindi nakakakilala sa Licab? Kaya’t bilang tugon sa pangarap kong makilala ang Licab, itinatag namin ng aking kapatid na si Ian ang Licabblog at Licab.net, dalawang site sa internet na naglalaman ng impormasyon at artikulo tungkol sa Licab.


Dalawa ang layunin ng website na ito: Ang makilala ang Licab sa buong mundo; at ang makilala nating mga tiga-Licab ang ating mga sarili.


Sa edad na tatlumpu't isa, masasabi kong marami-rami na rin akong nakamit na pangarap. I have a lovely wife and a lovely daughter. We have a combined income that is enough to sustain our daily needs.


Subalit hindi tumitigil ang pangarap kung naabot mo na ang ilan. Marami pang pangarap na dapat abutin para sa sarili, sa pamilya, sa bayan, at maging sa ating mga simbahan o iglesiang kinabibilangan.


Binabati ko ang mga magulang ng mga batang magsisipagtapos sa araw na ito. Nawa po ay patuloy nating itaguyod ang ating mga anak at gabayan sila hanggang sa makatapos sila ng kanilang pag-aaral.


Higit sa lahat, isang malaking pagbati para sa ating magsisipagtapos. Ang graduation na yugtong ito ng inyong buhay ay nagbubukas ng mas maraming pagkakataon upang mangarap na magtagumpay sa iba’t ibang larangan ng ating buhay.


Mga magsisipagtapos, matuto kayong mangarap.


The power to dream is in your hands.


Hayaan ninyong gamitin ko ang katagang sinabi ni Gang Badoy, isa sa mga TOYM Awardees:


Mga kabataan, hindi kayo ang pag-asa ng bayan. Kayo ang bayan.


Kung kayo’y mangangarap at magtatagumpay, magbabago at uunlad ang ating bayan. Kung kayo'y mangangarap at magtatagumpay, magbabago at uunlad ang bansang Pilipinas.


Maraming Salamat at magandang hapon po sa ating lahat.

Tuesday, March 8, 2011

Licab Fiesta 2011 Schedule of Activities

Nakakuha tayo ng scoop tungkol sa mga gaganaping activities sa darating na Licab Town Fiesta 2011 (o ang Licab Foundation Day Celebration 2011).

Gaya ng nakagawian, tatlong araw ang selebrasyon ng kapistahan sa ating bayan; Marso 26, 27 at 28.

Marso 26: tampok sa Municipal Gymnasium ang Gabi Ng Kabataan.

Ipinagpapalagay ng inyong lingkod na ang ating mga Sangguniang Kabataan ang siyang magiging Punong Abala sa pagdiriwang na ito.

Kaya sa lahat ng ating mga kabataan mula sa Bantog na Malaki (San Casimiro) hanggang sa Bubon (San Jose) at Ablang (Barangay Aquino), Tabok at Pinatubo, ihanda na ang mga pangharabas natin diyan at tumungo na sa likod ng munisipyo upang makisaya sa ating Gabi ng Kabataan.

Marso 27: Gabi ng Licabeño/Cultural Night. May mga bagong pararangalan kaya ngayon bilang mga Ulirang Licabeño?

Magaganap din sa Marso 27 ang Kariton Festival at ang Agri-Aqua Trade Fair. Bida na naman ang ating mga alagang Kalabaw, kaya kuskusin nang maigi ang kanilang mga katawan upang mangawala na ang mga putik-putik na nakasalabat sa mga kuko ng ating kalabaw. Aba, mainam na sa paglibot sa Kariton Festival eh malinis silang tingnan.

Marso 28: Culmination ng Kapistahan ng Licab. May Photo Exhibit din daw na magaganap sa araw na ito. Siguro ay magkakaroon din ng tradisyunal na sarsuwela sa gabi. May mga inimbitahan bang artista? Wala pang balita, hano po?

--------------------

Personal na pananaw ng may-akda: Ayos lang din naman na fixed date ang pista (March 26,27,28), ngunit sa ganang akin ay mas mahusay sana kung every last sunday of the month of March na lamang ang culmination ng kapistahan- kumbaga ba eh, Biyernes, Sabado at Linggo (katulad ng dating nakagawian na). Ito ay upang mgkaroon din naman ng pagkakataon ang mga kababayan natin na nasa ibang lugar upang makauwi at makisaya sa ating Kapistahan nang hindi sila liliban (o aabsent) sa kani-kanilang mga trabaho.

Ngunit ika nga eh, sa huli, ang ating mga lider pa rin naman ang magpapasya sa kung ano ang dapat at pinakamabuti para sa ating bayan.

Maligayang Pista sa ating mga Licabeño.

Friday, February 25, 2011

Licab Town Fiesta 2011

Kumusta, mga Kabayan? Malapit na naman ang taunang Licab Town Fiesta. Ilan ba sa ating nasa malayong lugar ang makakauwi sa Licab sa darating na Marso para makiselebra sa pagdiriwang ng pista ng ating bayan?

Medyo matumal ang dating ng impormasyon sa inyong lingkod ngayon (hindi na kasi ako inaambunan ng insider tips mula sa munisipyo) kaya wala akong maibalitang kongkretong programa patungkol sa darating na pagdiriwang.

Kung hindi ako nagkakamali ay Marso 28, 2011, Lunes, ang araw ng kapistahan, kaya siguro ay marami rin sa ating mga kababayang Licabeño ang hindi na rin makakauwi dahil sa may pasok ang araw ng Lunes.

Kagaya ng mga nagdaang taon, paniguradong may Kariton Festival ngayong 2011. Malamang ay magkakaroon din ng Parada ng mga Karosa kung saan ipinaparada sa mga pangunahing lansangan ang mga Musa ng iba't ibang eskuwelahan at barangay.

Hindi siyempre mawawala ang banda ng musiko na maya't maya ay lumilibot upang magbigay aliw sa pamamagitan ng kanilang tugtugin (samantalang ang mga kalalakihan ay tuwang tuwa namang nanonood sa mga majorette ng banda).

Siguro ay magkakaroon din ng taunang Barangay Night at Sarsuwela.

Sadyang masaya ang Pista.

Huwag lamang tayong sosobra sa paggasta.



LICAB TOWN FIESTA

Thursday, February 10, 2011

Pakikiramay

Dalawang kababayan po natin ang binawian ng buhay kahapon, ika sampu ng Pebrero, 2011.


Piping Milan

Si Aling Piping ay nanirahan sa Poblacion Sur, Licab, Nueva Ecija. Siya po ang butihing ina ng isa sa ating mga naging guro sa Licab Central School, si Mrs. Iraida Mallari.


Celso Santos

Si kabayang Celso Santos po ay tubong Sta. Maria, Licab, Nueva Ecija. Mas kilala siya sa palayaw na "Tetong".


Ipinaaabot po ng Licabblog ang pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng ating mga yumaong kababayan.

Tuesday, February 1, 2011

Buro Ni Aling Bising: Tatak Licabeño

Walang diet diet tuwing uuwi sa Licab.

Hamakin mo, pag ihinain ba sa'yo ito eh magagawa mo pang mag-diyeta?



Aba, paniguradong mapapa-extra rice ka kapag inihaw na hito, o dalag, o bulig ang inilapag sa hapag-kainan.

Siyempre, hindi kumpleto ang inihaw na isda sa Licab kung hindi mo pa-partner-an ng ginisang buro.

Madali lang ang paggawa ng buro (narito ang paraan); pero kung talagang ang gusto mo lang ay mag relax, kumain, at mag enjoy habang nagbabakasyon sa Licab, mas mabuting bumili ka na lang ng Buro ni Aling Bising.

Kilalang-kilala ang burong isda ni Aling Bising. Pulido ang pagkakagawa, at talaga namang gaganahan kang kumain lalo na kung ka-partner ito ng inihaw na isda o nilagang gulay katulad ng talong, sigarilyas, talbos ng kamote, o katuray.

Sa pagkakatanda ng may-akda ay dalawa ang prominenteng tiga-gawa ng buro sa bayan ng Licab; si Aling Ebeng, na nakatira malapit sa munisipyo sa Poblacion Sur, at si Aling Bising na ang tindahan ay naroroon pa rin sa San Juan, sa gawing kanan, kung papunta ka nang Sta. Maria, o papunta ka ng sementeryo.

Sa ngayon ay hindi na masyadong naririnig ang buro ni Aling Ebeng, ngunit ang buro ni Aling Bising ay patuloy na itinitinda at patuloy na nalalasap ng mga tiga-Licab dahil sa ang sikreto ng paggawa ng masarap na buro ay isinalin na rin ng matandang Bising sa kanyang mga sumunod na henerasyon.

Mula noon hanggang ngayon, kaagapay ng hapag-kainang Licabeño ang galing at husay ni Aling Bising sa paggawa ng buro.

Buro ni Aling Bising: Tatak Licabeño (to the 10th power)


--------------------


Monday, January 17, 2011

Naka-Single

Madali nang magkaroon ng sariling motorsiklo ngayon.

Katunayan, sa Maynila, sa Cabanatuan, o sa iba pang Motor Sales Centers, hindi gaanong mataas ang requirements para ka makabili. Yung iba, kopya lang ng payslip ang kailangan. Walang downpayment, walang credit investigation.

Kaya hindi nakakapagtaka na maraming Pilipino ang nahihikayat na bumili. Paliwanag nila, mas matipid daw ng di hamak ang mag-motor kaysa sa mamasahero ka.

Kasabay ng pagdami ng gumagamit ng motorsiklo ay ang pagdami rin ng motorcycle-related accidents sa ating kakalsadahan. Sa isang pagsusuring ginawa ng CNN, pangpito sa listahan ng 10 Insane Activities for Thrill Seekers ang pagmo-motorsiklo sa Kamaynilaan. Ayon sa ulat, mahigit sa 1,500 ng naitalang aksidente sa mga hospital sa unang quarter ng 2010 ay may kaugnayan sa mga motorsiklo.

**********

Mula ng mauso ang mga single na motorsiklo sa Licab, dumami rin ang insidente ng aksidente. Tatlo sa mga kakilala kong tiga-Licab (edad 30 pababa) ang naputulan ng buhay dahil sa aksidente sa motorsiklo.

**********

Hindi natin masasabing masama ang tumangkilik sa paggamit ng motorsiklo. Hindi nga ba't naimbento ang mga ganitong uri ng mekanismo upang makatulong at mapadali ang pamumuhay ng mga mamamayan? Ngunit ang bawat pribilehiyo ay may katuwang na responsibilidad- maging sa indibidwal man, o sa ating pamahalaan.

• Responsibilidad ng mga motorista na siguruhing maayos ang pagpapatakbo nila sa kalsada.

• Isuot ang mga protective gears na required isuot (Sa ulo inilalagay ang helmet; hindi sa siko) habag nagpapatakbo ng motorsiklo.

• Siguruhing nasa maayos na kundisyon ang makina at brakes ng motor bago ito gamitin.

• Huwag magsakay ng higit sa nararapat na pasahero.

• Tumupad sa mga traffic rules and ordinances sa pagmamaneho.

• Sa panig naman ng pamahalaan, dapat ipatupad ang No License, No Driving policy. Lahat ba ng motorista sa Licab ay may lisensiya? Wala bang kabataan na edad 18 pababa ang nakapagmo-motor?

• Magpatupad ng traffic rules and regulations.

• Magbigay ng babala o signages sa mga accident prone areas sa ating bayan.

• Kung maaari, magsagawa ng seminar para sa motorista.


Madali nang magkaroon ng sariling motorsiklo ngayon. Ngunit dapat, maging responsable ang mga indibidwal at maging ang lokal na pamahalaan upang mabawasan, kundi man maiwasan ang mga sakuna.

Tuesday, December 28, 2010

Isidro "Ding" Gatmaitan, Jr: A Tribute

It is with sadness to post here that our co-Licabeño, Isidro "Ding" Gatmaitan, Jr. passed away last December 18, 2010 due to heart complications at Tucson, Arizona, USA.

His remains will be cremated sometime within this week, after which, might possibly be brought back home in Licab, Nueva Ecija at a later date.


Meanwhile, we encourage everyone to take a look and visit the website,


A TRIBUTE/OFFER TO ISIDRO GATMAITAN, JR., MY DAD....

a dedicated website set-up by Ding's son, Dindo, in memory of his beloved father.

If anyone of us has been encouraged and touched by Ding's life, kindly leave a message at DING'S WEBSITE.

Again, from Licabblog, our condolences to the family of our Kabayang Ding Gatmaitan.

Monday, December 20, 2010

Ding Gatmaitan: Tatak Licabeño

Isa sa mga unang nakaalam na may website o blog na pala na specifically dedicated para sa ating mahal na Licab ay si kabayang Isidro "Ding" Gatmaitan (o mas kilala ng Licabblog sa pangalang ding_gat. Katunayan, kaila sa iba nating kababayan ay na-inspire ding gumawa ng sariling blog si kabayang Ding_Gat, subalit maaaring sa dami ng ibang pinagkakaabalahanan ay hindi na niya nasundan ang kaisa-isang article na kanyang nasimulan.

Sa kanyang blog na LICAB .ETC, sinulat ni kabayang Ding_Gat ang mahikli ngunit makabuluhang artikulo na siyang patunay na siya isang tunay na Tatak Licabeño:

----------

Republic of Licab

ako si ding gatmaitan , i love my hometown, i see to it that i go there once a year, sarap makipag inuman sa mga kababata mo like ver villaroman, ambal fajardo, kap ambet at iba pa. at sino hindi makakakilala kila dany lucas hahaha. and who wud not 4get . . our nationl food. .adobong doggy. luto ni pareng kiko. lalo na pag may bday, binyag, kasal or istambay lang kay baby pwet. pakilala mo nga ung gumawa ng licabblog, pinupuri kita, isa kang tunay na abay. ano ba latest issue sa bayan natin. pag may nagtatanong sakin san ang licab, eka ko capital ng republic of nuevaecija un!!!
----------

Hindi nagtagal, sinumulang makipag-ugnayan ni ding_gat sa Licabblog sa pamamagitan ng email upang makapag-contribute ng articles at suggestions para mas lalo pang mapaganda at mapaigi ang simpleng website ng Licabblog. At nang lumaon at mag-set up na nga nang isang pormal na dedicated site, ang LICAB.NET, ay isa rin si Kabayang ding_gat sa mga unang naging aktibong miyembro ng Licab netizens.

++++++++++

Noong Mayo 2009, nailathala sa Licabblog ang contribution ni Ding_Gat, ang Dekada Sisenta Kasama ang Barkada, na nagpapakita ng mga masasayang ala-ala kasama ang kanyang mga kaibigan at kabarkada sa Licab noong panahon ng Dekada Sisenta.

Nailathala rin sa pamamagitan ni Ding_Gat ang recipe ng isa sa mga paboritong pagkain ng mga tomador ng Licab, Ang Adobong Bibe Sa Gata.

++++++++++

Ikinalulungkot ng pamunuan ng Licabblog na hindi man lang kami nagkaroon ng pagkakataon na magkita ng personal; subalit ang Licabblog at ang Licab.net ay patuloy na nagpapasalamat sa mahalagang kontribusyon ng ating mahal na kababayang Ding Gatmaitan sa kung anuman ang narating ng ating simpleng website hanggang sa pangkasalukuyang panahon.

Sa mga kaanak at kaibigan ni ding_gat, nakikiramay po kami.

DING GATMAITAN: TATAK LICABEÑO

Thursday, December 9, 2010

Boy at Baby (Bebe): Pangalang Tunay na Licabeño

Animo'y hindi tumatanda, nananatili sa "Boy" ang pangalan o palayaw nang ilan sa ating mga kababayang Licabeño.

Mantakin mo nga naman. Meron tayong:

• Boy Tita
• Boy Pilising
• Boy Fajardo
• Boy Yango
• Boy Karag
• Boy Pusa
Boy Amoy , at kung sinu-sino pang Boy.

Ilan lang iyan sa maraming "Boy" sa ating bayan. Pero kung marami sa ating mga kalalakihan ang nananatiling "Boy" ang katawagan, hindi naman patatalo ang ating mga kababaihang kababayan.

• Bebeng Jacinto
• Bebeng Agustin
• Bebeng Damaso
• Bebeng Mangungulot
• Bebeng Co
• Bebeng Pwet, at marami pang ibang Bebe (o Baby).

Mahusay, hindi ba? At sa dinami-dami nila, nakatutuwang isipin na madaling mahahanap nang sinuman ang "Boy" o "Bebe" na hinahanap nila.

Sa mga BOY at BABY (BEBE) nang ating munting bayan, mabuhay kayo!

Kayo'y mga tunay na TATAK LICABEÑO


--------------------




Tuesday, November 30, 2010

Piwa: Tatak Licabeño

Kilala mo ba si Pascual Co?

Kung hindi, maiintindihan ka ng mga tunay na Licabeño. Kundangan kasi, mas kilala naman talaga si Pascual Co bilang si PIWA.

Kung paano at kung bakit ang isang dayuhang intsik ay napadpad sa maliit na bayan ng Licab ay ipinagpapalagay natin na isang mahabang istorya na, subalit hindi maikakaila na may lahi mang dayuhan ay isa nang institusyon ang pangalang Piwa sa ating munting bayan.

Nagkamulat at lumaki ang inyong lingkod ay kilala na si Piwa sa Licab. Inabot ko pa na ang tindahan ni Piwa ay naroon sa may malapit kila Mang Pepe Milan (na masasabi ring isang Tatak Licabeño). Nang lumaon ay lumipat sila ng puwesto sa kasalukuyan nilang tindahan ngayon sa Poblacion Sur sa tapat ng bangko at malapit sa tindhan naman nila Ate Liweng Javier.

Dala-dala ang paktura (o listahan ng mga "grocery items" na bibilhin), nilalakad lamang namin ang tindahan ni Piwa. Pagkaabot ng paktura ay maghihintay ka lamang na ibalot (o ikahon) ng mga kasama sa tindahan ang mga pinamili mo.

Mamamangha ka rin sa bilis ng daliri ng mga nasa kahera dahil sa gilas nila sa pagpindot ng calculator, o kung hindi man gumamit ng calculator ay sanay na sanay naman silang magtuos kung magkano ang suma-total ng pinamili mong grocery.

Mula noon, hanggang sa ngayon, ang Tindahan ni Piwa ang masasabi nating pinaka-popular na grocery store sa buong bayan ng Licab. Anupa't dito rin naman kasi kumukuha ng paninda ang mga maliliit na sari-sari stores. Sa buong maghapon ay panay-panay ang mga taong dumadagsa sa Tindahan ni Piwa upang mamili ng mga groceries na siya naman nilang itinitinda sa mga bario na kanilang pinanggalingan.

Marami rin at naging prominente rin sa Licab ang ilan sa kanyang mga anak. Hindi alam ng may akda kung ilan ang naging anak ng mag-asawang Piwa at Nena, ngunit ang ilan sa kanila ay sina Noli (na dating Mayor ng Licab), Dita, Froilan, Resty, Bing, at Arnel.

Kasabay ng pagbabago ng panahon ay nagpasalin-salin na rin ang pagmamay-ari ng tindahan, hanggang sa ngayon nga ay pinangalanan na ito bilang ARJAY STORE (si ARJAY ay bale apo na ni Piwa sa kanyang anak na si Arnel).

Pumanaw na rin si Piwa at ang kanyang maybahay na si Nena, ngunit ang kanyang pangalan ay mananatili pa sa ala-ala ng mga Licabeño sa darating pang maraming panahon.


PIWA: TATAK LICABEÑO

-------------------

Tuesday, November 23, 2010

Carding na Patay: Tatak Licabeño

Ang sinumang Licabeño, lalo na yung mga nanirahan sa Licab noong panahon ng dekada 80 at 90 ay nakakakilala kay Karding na Patay.

Kung bakit Patay ang ikinabit na palayaw kay Karding ay kasalukuyan pang sinasaliksik ng Licabblog, subalit nakatutuwang isipin na tuwing sumasapit ang Kapaskuhan ay himalang nabubuhay si Karding na Patay.

Bakit? Sapagkat si Karding na Patay ang isa sa mga kababayan natin na talaga namang mahusay gumawa ng mga parol. Gawa sa kawayan, plastic na de-kolor, papel de hapon at palara, mahusay na nililikha ni Karding na Patay ang mga parol na siya naman nating isinasabit sa ating mga tahanan tuwing panahon ng Pasko.


Mabuhay! Mabuhay! Mabuhay si Karding na Patay!



KARDING NA PATAY: TATAK LICABEÑO

--------------------



Thursday, November 11, 2010

Edo Agustin, Jr.: Tatak Licabeño




Ipinanganak at lumaki sa Barangay Sta. Maria, Licab, Nueva Ecija noong June 11, 1926, si Alfredo "Edo" Santos Agustin, Jr. ay anak ng mga tatak Licabeño na sina Alfredo Agustin Sr. at Timotea Santos.



• Nagturo sa Sta. Maria Elementary School.
• Naging astig na coach ng Volleyball sa Sta. Maria.
• Makalipas ang ilang panahon ay itinatag ang LIDITAS (Licab District Teachers Association) at naging unang Pangulo nito.
• Namuno sa Non-Formal Education (NFE) sa buong Licab.
• Matapos magretiro, siya ay nanilbihan bilang Sangguniang Bayan sa loob ng siyam na taon.
• Pinarangalan bilang Natatanging Licabeño 2010 sa Larangan ng Edukasyon at Pulitika.



At hindi lang 'yan!




Si Edo Agustin ay gumagamit nang mga salitang Dangkasi, Kampit, Mangyari, at Sulong na naiintindihan nang mga kapwa niya Licabeño!


EDO AGUSTIN, JR: TATAK LICABEÑO


-------------------

Thursday, November 4, 2010

Sa Ilog Ablang


(galing sa mongabay.com ang larawan)
Sa Ilog Ablang
ni George F. Esguerra


Ang Ablang ay isang munting nayon na nasa timog kanluran ng Bayan ng Licab.

Ang batis ng ilog nito ay tunay na dalisay at may sariwang daloy ng tubig na nangagaling sa hilagang silangan ng bundok Sierra Madre.. Tunay na kaaya aya ang daloy ng tubig, na siyang nagiging tulong naman sa kabuhayan ng mga naninirahan sa nayon ng Ablang.

Noon panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang nayon ng Ablang ang naging larangan
ng tagisan ng lakas ng mga dayuhang hapon at ng hukbong Filipino. Totoong marami sa ating mga kababayang tiga-Licab ang nagbuwis ng kanilang buhay, pawis at dugo, sa pakikibaka sa mga dayuhang hapon.

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pangdaigdig, ang Batis ng Ablang ay sagana sa mga isdang tabang gaya halimbawa ng hito, dalag, ayungin, gurami, biya, liwalo, banak, hipon, tulya, sulib, kabibi at iba pa. Ang lahat ng mga ito ay naglaho ng tuluyang dahil sa di wastong pagmamalabis na panghuhuli ng mga isdang tabang at sa mga patubig ng mga taga Nueva Ecija.

Ang Ablang noon panahon iyong ay sagana sa mga pagkain na nangagaling sa kabukiran at sa ilog ng Ablang. Ang mga naninirahan dito ay puno ng pag-ibig at pagmamahalan sa isat-isa, kaya't ang mga naninirahan dito ay namumuhay ng maligaya, payapa, at malaya; tanda ng walang sinumang salarin sa nayon ng Ablang. Kabilang dito ay ang mga lipi ng mga Tinio, Santos, Castro, Cote, Ramos, Dela Cruz, Calma, Cunanan, Domingo, Esguerra, Ordonio, Garcia, at marami pang iba.

Noon Junio 17, 1877, si Heneral Manuel Tinio ay ipinanganak sa baryo ng Ablang, (Pulong Samat) na nooy nasasakop pa ng Bayan ng Aliaga. Siya ay ikinasal sa dating Basilia Pilares Huerta. Sila noon ang mga taong tagapagbunsod sa nayon ng Ablang, kasama ang mga lipi ng mga Castro, Santos, Ramos. Dela Cruz, Cote, Rivera at marami pang iba. Noong Febrero 22, 1924 sa gulang na 47 siya’y pumanaw at binawian ng buhay sa Maynila.

Sumonod dito, nanirahan at nagbungkal ng lupa ang ating butihing Mayor na si Manuel Castro, at ang kaniyang maybahay na si Aurora Calderon Castro hanggang sa siya'y pumanaw sa bayan ng Licab. Dito rin nagsimulang magkakilala sina Mario Mamaclay at Nenita Castro. Sila ang nagpatuloy na bumungkal ng kanilang malawak na lupain at umani ng maraming bunga ng
gulay at pakwan dito sa nayon ng Ablang. Sa isang pamantayang buhay, kung iyong
ihahambing sa ibang nayon, ang kabukiran ng Ablang ay hindi nahuhuli sa ibang nayon
sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ano pa, at ang mga Batang Ablang ay karaniwang nagtutungo sa mababang paaralang ng Licab Central School upang sila'y mag-aral sa unang baytang pa lamang ng kanilang murang kaisipang at sa pagdaraan ng mga araw, pagdating nila sa karampatan gulang, silay nagtutungo sa mataas na paaralan ng Licab High School, o dili kaya’y sa lungsod ng Maynila. Kabilang dito si Venancio Cote, Clarita Ramos, Honorato Domingo, Dorotea Liwag, Erlinda Liwag, Virgilio Gaspar, Adriano Capinding, Eduardo Badua, Estelita Barangang, Ofelia Cunanan, Julieta, at Iraida Milan, at Rodolfo Madrid.

Dito rin sa Baybay Ilog ng Ablang ang siyang naging dahilan ng pagkakaugnayan ng dalawang pusong nagmamahalan na gaya nila Vinancio Cote and Clarita Ramos. Sa una pa lamang nilang pagkikilala sa Licab High School ay namagitan na sa kanila ang isang pagtatangi sa isa't-isa. Simula noon ay naging magkaliyag at magkasuyo ang dalawa at nagkaroon ng makulay na kinabukasan ang nilang pagtitinginan.

Maala-ala mo kaya, noong tayo'y nasa High School pa, maganda ang samahan nating dalawa, ako noon ay nasa ika-apat na taon sa pag-aaral ko sa Licab High School, at sapagkat tayong dalawa ay nagmamahalan sa isa't-isa ay lagi tayong magkasama. Sa tuwing may mga pagtitipon kami’y dumadalo sa inyo, sa kabila ng Baybay-Ilog ng Ablang upang magkakila-kilala tayong lahat.

Samantalang noon mga panahong iyon ay wala pang tulay ang ilog ng Ablang, kaya't hubad-baro naming binabagtas palangoy ng isang kanang kamay ang ilog, at dala naman sa kaliwang kamay ang aming damit sa pagbagtas sa Baybay Ilog ng Ablang. Kasama naming noon sina Honorato Domingo (Honoring), George Esguerra, Eddie Badua (Eddie) Virgilio Gaspar (Vic) Adriano Capinding (Adring) makadalo at makita ka lamang sa pagtitipon ng inyong lipi o familia, mga magulang, at mahal sa buhay. Hindi namin inalintana kung ano man ang mangyari sa amin noon sa Baybay Ilog dahil sa kami’y nasa kasibulan at murang kaisipan. Isang gabi'y doon na kami nagpalipas ng gabi, at sapagkat wala naman matutulugan ay doon sa giniikan ng palay kaming lahat natulog.

Kinabukasan kamiy tumangap ng paanyaya kina Mario Mamaclay at Nenita Castro sa kanilang bahay kubo para mamitas nang kanilang aning gulay at pakwan. Dito rin sa nayong ito nagmahalan sila Mario at Nenita. Nagtanim sila ng palay, gulay at iba pang mga halaman. Namitas kami at kumain ng pakwan hanggang sa aming makakaya, at nag-ihaw kami ng isdang hito at dalag, at sulib, na siya naming ginawang kakteyl, sa pag-inum ng basi sa lumbo at bao ng niyog. Doon na rin kami inabutan ng dilim hanggang ika-siyam ng gabi.

Noon mga panahon iyon ang mga taong namumuhay sa nayon ng Ablang at maging sa bayan ng Licab ay namumuhay ng walang takot, walang sindak, walang pangamba, at laging katahimikan.

Noon gabing iyong dahil sa kaarawan ni Clarita, nagkaroon ng sayawan sa harapan ng kanilang bahay kubo, na may nilupak na taing kalabaw na nagsilbing cemento, at sa saliw ng isang munting phonographo ay naganap ang isang masiglang katutubong sayawan sa harapan ng munting bahay. Ang pagdiriwang ng gabing iyong ay tunay na kasiyahan ang idinulot, at ikinalugod ng lahat ng mga taga nayon ng Ablang.


**********

Nag-isang dibdib sina Venancio Cote and Clarita Ramos at sila'y nanirahan sa nayon ng Ablang. Simula noon, si Clarita ay naging larawan ng tunay at tapat na kawani ng Bahay Pamahalaan ng Licab. Dito rin sa nayon ng Ablang nanirahan ang ating butihing Vice Mayor Felizardo Carlos, at ang kanyang mga anak, at hanggang sa ngayon, sila'y naninirahan dito.

Ano pa at, ang lahat ng mga ito ay nangaling sa nayon ng Ablang, na siyang pasimula at sukatan sa ikauunlad ng isang angkan o lipi sa Nayon ng Licab.

**********


Kaylan pa kaya muling babalik ang matahinik na buhay sa Licab? Ang pamumuhay ng masagana, matiwasay, walang pangamba kaninuman, matahimik, at walang sindak sa buhay, gaya nang mga nabangit sa mga naunang talata- gaya ng mga nakaraan taon na kahit saan ka matulog, kahit saan ka pumaroon, kahit saan ka abutan ng gabi, ay wala kang pinangangambahang mangyayari sa iyong buhay.

Sana'y manumbalik pa muli ang ganitong kaligayahan, kapayapaan, at katiwasayan sa ating mahal na bayan.

Tuesday, October 26, 2010

Buklod




















Hindi ba't ang layunin ng bawat eleksiyon ay ang makapili tayo ng mga lider na magbubuklod sa ating komunidad upang magkaisa ang mga mamamayan at makamit ang pag-unlad at progreso ng bayan?

Bakit tila yata sa halip na magkaisa ay nagiging ugat pa ng hidwaan at alitan ng mga kandidato at pami-pamilya ang halalan sa ating bayan (at sa ating bansa)?

May pag-asa pa ba?



**********


Kapayapaa'y bigyan ng daan
Kapayapaan sa bayan ko
Bakit kailangan pang maglaban,
Magkapatid kayo sa dugo
Kailan kayo magkakasundo,
Kapayapaa'y kailan matatamo
Ng Bayan ko
(Ang Bayan Kong Sinilangan, Asin)