Kung hindi, maiintindihan ka ng mga tunay na Licabeño. Kundangan kasi, mas kilala naman talaga si Pascual Co bilang si PIWA.
Kung paano at kung bakit ang isang dayuhang intsik ay napadpad sa maliit na bayan ng Licab ay ipinagpapalagay natin na isang mahabang istorya na, subalit hindi maikakaila na may lahi mang dayuhan ay isa nang institusyon ang pangalang Piwa sa ating munting bayan.
Nagkamulat at lumaki ang inyong lingkod ay kilala na si Piwa sa Licab. Inabot ko pa na ang tindahan ni Piwa ay naroon sa may malapit kila Mang Pepe Milan (na masasabi ring isang Tatak Licabeño). Nang lumaon ay lumipat sila ng puwesto sa kasalukuyan nilang tindahan ngayon sa Poblacion Sur sa tapat ng bangko at malapit sa tindhan naman nila Ate Liweng Javier.
Dala-dala ang paktura (o listahan ng mga "grocery items" na bibilhin), nilalakad lamang namin ang tindahan ni Piwa. Pagkaabot ng paktura ay maghihintay ka lamang na ibalot (o ikahon) ng mga kasama sa tindahan ang mga pinamili mo.
Mamamangha ka rin sa bilis ng daliri ng mga nasa kahera dahil sa gilas nila sa pagpindot ng calculator, o kung hindi man gumamit ng calculator ay sanay na sanay naman silang magtuos kung magkano ang suma-total ng pinamili mong grocery.
Mula noon, hanggang sa ngayon, ang Tindahan ni Piwa ang masasabi nating pinaka-popular na grocery store sa buong bayan ng Licab. Anupa't dito rin naman kasi kumukuha ng paninda ang mga maliliit na sari-sari stores. Sa buong maghapon ay panay-panay ang mga taong dumadagsa sa Tindahan ni Piwa upang mamili ng mga groceries na siya naman nilang itinitinda sa mga bario na kanilang pinanggalingan.
Marami rin at naging prominente rin sa Licab ang ilan sa kanyang mga anak. Hindi alam ng may akda kung ilan ang naging anak ng mag-asawang Piwa at Nena, ngunit ang ilan sa kanila ay sina Noli (na dating Mayor ng Licab), Dita, Froilan, Resty, Bing, at Arnel.
Kasabay ng pagbabago ng panahon ay nagpasalin-salin na rin ang pagmamay-ari ng tindahan, hanggang sa ngayon nga ay pinangalanan na ito bilang ARJAY STORE (si ARJAY ay bale apo na ni Piwa sa kanyang anak na si Arnel).
Pumanaw na rin si Piwa at ang kanyang maybahay na si Nena, ngunit ang kanyang pangalan ay mananatili pa sa ala-ala ng mga Licabeño sa darating pang maraming panahon.
PIWA: TATAK LICABEÑO
-------------------
-------------------