Thursday, November 4, 2010

Sa Ilog Ablang


(galing sa mongabay.com ang larawan)
Sa Ilog Ablang
ni George F. Esguerra


Ang Ablang ay isang munting nayon na nasa timog kanluran ng Bayan ng Licab.

Ang batis ng ilog nito ay tunay na dalisay at may sariwang daloy ng tubig na nangagaling sa hilagang silangan ng bundok Sierra Madre.. Tunay na kaaya aya ang daloy ng tubig, na siyang nagiging tulong naman sa kabuhayan ng mga naninirahan sa nayon ng Ablang.

Noon panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang nayon ng Ablang ang naging larangan
ng tagisan ng lakas ng mga dayuhang hapon at ng hukbong Filipino. Totoong marami sa ating mga kababayang tiga-Licab ang nagbuwis ng kanilang buhay, pawis at dugo, sa pakikibaka sa mga dayuhang hapon.

Pagkatapos ng ikalawang digmaang pangdaigdig, ang Batis ng Ablang ay sagana sa mga isdang tabang gaya halimbawa ng hito, dalag, ayungin, gurami, biya, liwalo, banak, hipon, tulya, sulib, kabibi at iba pa. Ang lahat ng mga ito ay naglaho ng tuluyang dahil sa di wastong pagmamalabis na panghuhuli ng mga isdang tabang at sa mga patubig ng mga taga Nueva Ecija.

Ang Ablang noon panahon iyong ay sagana sa mga pagkain na nangagaling sa kabukiran at sa ilog ng Ablang. Ang mga naninirahan dito ay puno ng pag-ibig at pagmamahalan sa isat-isa, kaya't ang mga naninirahan dito ay namumuhay ng maligaya, payapa, at malaya; tanda ng walang sinumang salarin sa nayon ng Ablang. Kabilang dito ay ang mga lipi ng mga Tinio, Santos, Castro, Cote, Ramos, Dela Cruz, Calma, Cunanan, Domingo, Esguerra, Ordonio, Garcia, at marami pang iba.

Noon Junio 17, 1877, si Heneral Manuel Tinio ay ipinanganak sa baryo ng Ablang, (Pulong Samat) na nooy nasasakop pa ng Bayan ng Aliaga. Siya ay ikinasal sa dating Basilia Pilares Huerta. Sila noon ang mga taong tagapagbunsod sa nayon ng Ablang, kasama ang mga lipi ng mga Castro, Santos, Ramos. Dela Cruz, Cote, Rivera at marami pang iba. Noong Febrero 22, 1924 sa gulang na 47 siya’y pumanaw at binawian ng buhay sa Maynila.

Sumonod dito, nanirahan at nagbungkal ng lupa ang ating butihing Mayor na si Manuel Castro, at ang kaniyang maybahay na si Aurora Calderon Castro hanggang sa siya'y pumanaw sa bayan ng Licab. Dito rin nagsimulang magkakilala sina Mario Mamaclay at Nenita Castro. Sila ang nagpatuloy na bumungkal ng kanilang malawak na lupain at umani ng maraming bunga ng
gulay at pakwan dito sa nayon ng Ablang. Sa isang pamantayang buhay, kung iyong
ihahambing sa ibang nayon, ang kabukiran ng Ablang ay hindi nahuhuli sa ibang nayon
sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Ano pa, at ang mga Batang Ablang ay karaniwang nagtutungo sa mababang paaralang ng Licab Central School upang sila'y mag-aral sa unang baytang pa lamang ng kanilang murang kaisipang at sa pagdaraan ng mga araw, pagdating nila sa karampatan gulang, silay nagtutungo sa mataas na paaralan ng Licab High School, o dili kaya’y sa lungsod ng Maynila. Kabilang dito si Venancio Cote, Clarita Ramos, Honorato Domingo, Dorotea Liwag, Erlinda Liwag, Virgilio Gaspar, Adriano Capinding, Eduardo Badua, Estelita Barangang, Ofelia Cunanan, Julieta, at Iraida Milan, at Rodolfo Madrid.

Dito rin sa Baybay Ilog ng Ablang ang siyang naging dahilan ng pagkakaugnayan ng dalawang pusong nagmamahalan na gaya nila Vinancio Cote and Clarita Ramos. Sa una pa lamang nilang pagkikilala sa Licab High School ay namagitan na sa kanila ang isang pagtatangi sa isa't-isa. Simula noon ay naging magkaliyag at magkasuyo ang dalawa at nagkaroon ng makulay na kinabukasan ang nilang pagtitinginan.

Maala-ala mo kaya, noong tayo'y nasa High School pa, maganda ang samahan nating dalawa, ako noon ay nasa ika-apat na taon sa pag-aaral ko sa Licab High School, at sapagkat tayong dalawa ay nagmamahalan sa isa't-isa ay lagi tayong magkasama. Sa tuwing may mga pagtitipon kami’y dumadalo sa inyo, sa kabila ng Baybay-Ilog ng Ablang upang magkakila-kilala tayong lahat.

Samantalang noon mga panahong iyon ay wala pang tulay ang ilog ng Ablang, kaya't hubad-baro naming binabagtas palangoy ng isang kanang kamay ang ilog, at dala naman sa kaliwang kamay ang aming damit sa pagbagtas sa Baybay Ilog ng Ablang. Kasama naming noon sina Honorato Domingo (Honoring), George Esguerra, Eddie Badua (Eddie) Virgilio Gaspar (Vic) Adriano Capinding (Adring) makadalo at makita ka lamang sa pagtitipon ng inyong lipi o familia, mga magulang, at mahal sa buhay. Hindi namin inalintana kung ano man ang mangyari sa amin noon sa Baybay Ilog dahil sa kami’y nasa kasibulan at murang kaisipan. Isang gabi'y doon na kami nagpalipas ng gabi, at sapagkat wala naman matutulugan ay doon sa giniikan ng palay kaming lahat natulog.

Kinabukasan kamiy tumangap ng paanyaya kina Mario Mamaclay at Nenita Castro sa kanilang bahay kubo para mamitas nang kanilang aning gulay at pakwan. Dito rin sa nayong ito nagmahalan sila Mario at Nenita. Nagtanim sila ng palay, gulay at iba pang mga halaman. Namitas kami at kumain ng pakwan hanggang sa aming makakaya, at nag-ihaw kami ng isdang hito at dalag, at sulib, na siya naming ginawang kakteyl, sa pag-inum ng basi sa lumbo at bao ng niyog. Doon na rin kami inabutan ng dilim hanggang ika-siyam ng gabi.

Noon mga panahon iyon ang mga taong namumuhay sa nayon ng Ablang at maging sa bayan ng Licab ay namumuhay ng walang takot, walang sindak, walang pangamba, at laging katahimikan.

Noon gabing iyong dahil sa kaarawan ni Clarita, nagkaroon ng sayawan sa harapan ng kanilang bahay kubo, na may nilupak na taing kalabaw na nagsilbing cemento, at sa saliw ng isang munting phonographo ay naganap ang isang masiglang katutubong sayawan sa harapan ng munting bahay. Ang pagdiriwang ng gabing iyong ay tunay na kasiyahan ang idinulot, at ikinalugod ng lahat ng mga taga nayon ng Ablang.


**********

Nag-isang dibdib sina Venancio Cote and Clarita Ramos at sila'y nanirahan sa nayon ng Ablang. Simula noon, si Clarita ay naging larawan ng tunay at tapat na kawani ng Bahay Pamahalaan ng Licab. Dito rin sa nayon ng Ablang nanirahan ang ating butihing Vice Mayor Felizardo Carlos, at ang kanyang mga anak, at hanggang sa ngayon, sila'y naninirahan dito.

Ano pa at, ang lahat ng mga ito ay nangaling sa nayon ng Ablang, na siyang pasimula at sukatan sa ikauunlad ng isang angkan o lipi sa Nayon ng Licab.

**********


Kaylan pa kaya muling babalik ang matahinik na buhay sa Licab? Ang pamumuhay ng masagana, matiwasay, walang pangamba kaninuman, matahimik, at walang sindak sa buhay, gaya nang mga nabangit sa mga naunang talata- gaya ng mga nakaraan taon na kahit saan ka matulog, kahit saan ka pumaroon, kahit saan ka abutan ng gabi, ay wala kang pinangangambahang mangyayari sa iyong buhay.

Sana'y manumbalik pa muli ang ganitong kaligayahan, kapayapaan, at katiwasayan sa ating mahal na bayan.