Marso.
Hindi ko masyadong narinig ang sinabing dahilan ni ma'am dahil nasa may bandang likod naka-pwesto ang upuan ko.
Basta ang narinig ko lang ay kailangan naming magdala ng kani-kanyang upuan kinabukasan para daw sa praktis.
Ga-gradweyt na pala kami.
Angbilis talaga ng panahon. Tanda ko pa nang inihatid ako ni Nanay at ipinakilala sa titser ko sa grade 1. Nahihiya pa akong sumagot sa mga tanong ng titser. "What's your name? How old are you? Who are your parents?" Parang kailan lang pala ang anim na taon.
Anim na taon din pala akong nanatili sa pampublikong paaralang ito. Anim na taon din pala akong namalagi sa Licab Central School. Anim na taong puno ng iba't-ibang alaala ng kamusmusan.
Sino ang makakalimot sa Flag Ceremony, camping, intrams, at sa halos tuwing hapon na pagbubunot ng mga damo sa mga garden, pagtatanim ng kamote sa kani-kaniyang plot, pagdidilig ng mga bonsai, pag-iigib ng tubig gamit ang mga galon ng Shell Rimula X, at ang pagiging "cleaners" ng kwarto?
Matapos ang mga ritwal na gawain ay maaari nang maglaro. Kampi-kampi, grupo-grupo habang naglalaro ng football, baseball, agawang-base, at patintero.
Ngunit higit sa anupaman, hindi pwedeng malimutan na dito sa pampublikong paaralang ito nahubog ang utak at pagkatao ng bawat mag-aaral. Sa pangunguna ng mga magulang bilang mga unang guro ng mga anak, sila'y ipinagkakatiwala sa mga guro upang turuang magsulat, magbasa, kumanta, tumula, sumagot ng mga mathematical problems, magdiskubre ng kaalaman sa science, aralin ang history, at matuto ng mga kabutihang-asal.
At habang kami'y nangakahilerang nakaupo sa harap ng stage ng paaralan suot ang aming mga toga, nasasalamin at nakikita namin sa mata ng aming mga guro at magulang ang pag-asang kanilang nakikita sa aming mga buhay.
Para naming naririnig ang matinis ngunit naghuhumiyaw na tinig na nagsasabing handa na kami para sa susunod na lebel ng buhay namin.
Pawawalan kami sa pampublikong paaralang ito dala ang pag-asang balang araw ay babalik kaming nakamit ang katagumpayan sa buhay.
Monday, March 9, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
siguro galing to sa contributor... wow panalo na!
ReplyDelete