Patuloy ang pagsikip ng kalsadang natatahak habang papalapit sa plaza kung saan nagtatanghal ang mga artistang sarswela na inarkila para sa piyesta.
Gumawa na ng kani-kanyang kubol ang mga nangagtitinda ng damit sa magkabilang parte ng kalsada. Sumusunod naman ang mga nagtitinda ng mga laruang plastik na pinagkakaabalahan ng mga bata. Hindi nawawala ang mga water gun, baril-barilan, manika, kaba-kabayuhan, ahas na gawa sa ratan, at kung anu-anong action figures nila batman, superman at bioman.
Sa bungad ng kantong nagsilbing improvised plaza ay nangakabungad ang mga nagtitinda ng popcorn, balut, penoy, piniritong spicy dilis, fishballs, day old, pop cola at sago't gulaman. Hindi naman pahuhuli ang mga nagtitinda ng adobong mani at mais na kung makailang beses na atang ipinainit sa naglalawang mantika.
Sa di kalayuan ay mabibingi ka sa mga nagtitinda ng pirated casette tapes ng Eraserheads, Introvoys, Rivermaya, Skid Row, Bon Jovi, Metallica at April Boy Regino. Hindi pa uso noon ang mga cd at dvd.
Sumasabay naman sa nakabibinging kantahan ang announcer ng binggo. Dito'y nangakapalibot naman ang mga taong may kani-kanyang hawak na bingo cards na umaasang masungkit ang premyong batya, bisikleta, o isang kabang bigas.
Sa gilid-gilid naman ng binggohan ay nangakapalibot ang kung anu-anong tayaan at laruan. May color game, may beto-beto, may mga itsahan ng beinte singko, at may saklaan. Dito'y hindi magkamayaw ang mga tao sa pagtaya ng pa piso-piso o palima-limang piso.
Nangakapila naman ang mga binata't dalaga para maghintay ng turno nila sa pagsakay sa Jr. Ferris Wheel (Ruweda) at sa Catterpillar. Lagi na'y pinapaalalahanan ang lahat na magbayad lamang ng sakto kung ikaw ay bibili ng ticket dahil kung buo ang pera ay malamang na Wrigley's Juciy Fruit Gum ang maisukli sa pera mo.
Sa loob naman ng pinaka-plaza ay maraming taong nanonood ng sarsuwela. Karamihan sa kanila ay grupo-grupong nangaka umpok at matamang nangakatanga habang nakatunghay sa pinaka stage kung saan sumasayaw, kumakanta at nagpapatawa ang mga artista.
Patuloy sa pagkapal ang pulutong ng mga taong nakikisaya sa plaza. Ang ilan sa kanila ay nanggaling pa sa mga karatig-barangay at sumadya sa bayan para sa huling gabi ng pista. Sa gilid-gilid ng plaza, sa may tabi ng pampublikong paaralan ay nakaparada ang kanilang mga serbis na handtructor (kuliglig), tricycle, at jeepney.
Sa gitna ng saya, gulo at ingay ng pista ay pumunit sa kalangitan ang isang putok. Na sinundan ng isa pa. Hanggang sa magkakasunod na putukan na nga ang namayani sa paligid.
Nagkagulo na ang mga tao. Kani-kanyang karipas ng takbo, kani-kanyang hanap ng lugar na masisilungan upang makaiwas sa mga putukang hindi alam ninuman kung saan nanggaling.
Natigil na ang mga artistang kanina lang ay masayang umaarte sa stage. Hindi alintana ang sakuna, naglundagan na ang mga nakasakay sa ruweda at sa catterpillar. Ang lahat ay tumatakbo, sukdulang maiwan na ang mga tsinelas sa kalsada, makalayo lamang sa lugar ng gulo.
Kani-kanyang haka-haka, kani-kanyang kwento kung ano ang nangyari at kung bakit may putukang naganap.
Huling pista na pala.
No comments:
Post a Comment