(Sinulat ko ito noong december 2007, at orihinal na naka-lathala sa aking personal blog)uuwi na naman ako sa
licab. ika dalawampu't siyam na pasko ko na pala. paminsan minsan, hindi maiwasang magbalik-tanaw.
krismas tring gawa sa mga sanga ng bayabas at pinintahan ng puti.
sinasabitan namin ng iba't ibang kulay na palamuti para gumanda. mga parol sa bintana. christmas lights.
umpisa ng pasko ang simbang gabi. sa totoo, gustong gusto kong magsimbang gabi nung bata dahil sa bibingka. bitbit ang ilang pirasong itlog ng manok, lalakad na kaming magkakapatid kasama ang tiyahin namin papuntang simbahan. dumadaan muna kami sa nagbibibingka para ibigay ang itlog na isasama para maging espesyal ang
bibingka namin.
pinipilit naming matapos ang siyam na araw na simba dahil sabi nila ay matutupad daw ang hiling mo kapag nakumpleto mong tapusin ang simbang gabi.
sa umaga pa lang ng ika-24 ng disyembre, kanya kanyang hanap na kaming magpipinsan ng pinakamatibay at pinakamalaking medyas na pwede naming isabit sa dingding ng bahay kinagabihan. darating kasi si santa claus. pero kahit na anong pilit ang gawin naming paghihintay, paniguradong makakatulugan din namin at magigising na lang kami sa ika-25 ng disyembre na puno na ng regalo ang medyas na nakasabit sa dingding. mansanas na mapula, sunmaid raisins, assorted candies. minsan ay may kasama pang 50 pesos. hinuhuli naming kainin ang mansanas dahil nung mga panahon na 'yon, tuwing pasko lang kami nakakakita ng mansanas.
pasko na!!! hindi na magkamayaw ang mga magulang ko, mga tiyuhin at tiyahin sa paghahanda ng pagkain. ekstra espesyal ang pasko dahil kaarawan din ng nanay ko. lechon, pansit, menudo, kaldereta, hamon, queso de bola, at kung anu ano pa.
buong umaga kaming nag iikot ng kapatid ko at ng mga pinsan para magmano sa mga ninong at ninang. sa huli, kanya kanya kaming bilang at paramihan sa nakolektang aginaldong malulutong na pera.
kanya kanyang pakulo na pagdating ng hapon. may kumakanta, may sumasayaw, may mga palaro para sa aming mga bata.
isa, dalawa, tatlo, dalawampu't walong pasko. umiinog ang taon at hindi ko namamalayan na nagbabago ang panahon. sabi ng isang kataga, "it's funny how day by day nothing changes; but when you look back, everything is different".
hindi na ako nagsisimbang gabi. bihira na ring makatikim ng bibingkang espesyal na may itlog. hindi na kami namamasko dahil kami na ang pinupuntahan ng mga inaanak namin. wala na rin ang ibang mga tiyo at tiya na dati'y abala sa paghahanda ng pagkain.
marami ng nagbago. pero sa ika dalawampu't siyam na pasko, siguradong uuwi pa rin ako sa
licab.