Hindi na masyadong uso ngayon ang bumbong na gawa sa kawayan pero noong dekada 90 eh marami pa ring gumagawa nito sa Licab. Pumipili ang mga kalalakihan ng magandang uri ng kawayan, mga 3 o 4 na piye ang haba. Tinatanggal ang mga takip sa buko at nilalagyan ng isang maliit na butas.
Matapos nito'y nilalagyan ng kalburo (na kadalasang nabibili lamang noon kina Mang Aning na nasa kanto ng papuntang Villarosa, o dun sa isang tindahan na nasa may San Cristobal).
Sa bandang hapon pa lamang ng a-treinta'y uno ng Disyembre ay nagtitipon-tipon na ang mga kalalakihan at mga bata sa paligid ng bumbong. Nilalagay ang kalburo katapat ng maliit na butas at dinidilig ng kaunting tubig, kasabay ng pagtakip ng mga daliri. Kapag naramdaman nang umiinit ang loob ng bumbong ay saka naman tatapatan ng apoy ang maliit na butas upang makalikha ng isang pagsabog na pumupunit sa tahimik na paligid ng barangay.
Simple lamang ngunit masaya ang pagsalubong ng Bagong Taon sa bayan ng Licab noong dekada 90.
Sa pagdaan ng panahon ay may mga pagbabago na ring naganap sa pagsalubong ng mga mamamayan sa Bagong Taon. Iba't ibang pailaw at paputok na ang nabibili. Ang mga bumbong na kanyon ay napalitan na ng kanyon na gawa sa "pvc". Ang mga permenante, watusi, batibot at 5 star ay lipas na dahil napalitan na ito ng picollo, goodbye Philippines, goodbye universe, at ngayon daw ay may goodbye bading pa.
Mukhang hindi na rin ganoon karami ang nagsisimba sa gabi ng a-treinta'y uno ng Disyembre; di tulad ng dati na mistulang may prusisyon pagkatapos ng misa sa dami ng taong umuuwi mula sa simbahan at manaka-nakang nagkakatakutan at nagkakatawanan kapag may mga pilyong lalaking basta na lamang naghahagis ng paputok sa mga gilid ng kalsada.
Ngunit sa kabila ng mga pagbabagong ito ay marami pa ring mga kaugaliang hindi nawawala sa pagsalubong ng bagong taon.
1. Paglalagay ng 12 uri ng prutas na bilog sa ibabaw ng hapag-kainan para maging swerte raw ang pagpasok ng bagong taon. Kalimita'y pakwan, melon, mansanas, ubas, dalanghita, kahel, suha, at peras ang kasama sa mga prutas na ito.
2. Pagsusuot ng polka dots na sumisimbolo sa mga barya upang marami raw pera sa loob ng isang taon.
3. Paglalagay ng mga barya sa mga pasimano ng bintana at pintuan upang pumasok daw ang pera sa loob ng bahay.
4. Pag-alog ng barya sa dalawang kamay pagsapit ng alas dose.
5. Pagtalon pagsapit ng alas dose upang tumangkad.
6. Kailangan ding puno ang mga lalagyan ng bigas, asin, asukal, atbp. upang buong taon ay sagana sa mga pangangailangan sa bahay.
7. Bukas dapat lahat ng ilaw upang maging maliwanag ang buong taon.
8. Bukas ang bintana at pinto upang pumasok ang swerte.
9. Mag-ingay upang mailayo ang mga masasamang espiritu palabas ng bahay. Kaya nga may mga paputok, torotot, at pagkalampag sa mga kaldero, kawali at batya.
Ilan lang iyan sa mga kaugaliang maaaring hindi na natin pinaniniwalaan sa ngayon subalit patuloy pa rin nating sinusunod at ginagawa taun-taon.
Maaaring simple lamang ang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang tradisyong ito- sapagkat malungkot at hindi mukhang Bagong Taon kung hindi natin ito gagawin.
==================
Mula sa pamunuan ng
Licabblog, Maligayang Pasko at Pinagpalang Bagong Taon sa lahat ng mga
Licabeño!