Dati kasi sa Licab, hindi lahat ng bahay ay may tv. Kadalasan, yung mga mayayaman lang ang can afford na magkaroon nito. Kaya kapag hapon na, yung mga tao, nagkukumpol sa isang bahay para sama-samang manood ng programa.
Pasensiya yung mga bata dahil syempre, yung gusto ng mga matatanda ang laging nasusunod na panoorin. Kaya kahit na banas na banas ka na dahil gusto mong manood ng Voltes V at Shaider, magpasensiya ka na lang dahil nanonood ang mga lalaki ng basketball, o di kaya naman eh nangakatanghod sa tv ang mga kababaihan para panoorin yung variety show nila Nora at Vilma.
Grade 3 ako nang sa wakas eh nagkaroon din kami ng black and white television sa bahay. Tuwang tuwa ako dahil sa wakas eh hindi na kami mangangapit-bahay para lang makapanood ng tv. Tumangkad din ang bahay namin dahil mula sa isang bungalow-type na bahay eh nadagdagan ng napakataas na tubo sa ibabaw nito para magsilbing antenna. Ang uso noon, mas maraming element na nakakabit, mas malinaw ang reception ng channel.
Magpasensiya ka rin dati kung ikaw ang bunso. Dahil kadalasan, ikaw ang papalapitin sa telebisyon kung maglilipat ng channel (di-pihit pa kasi at hanggang channel 13 lang ang pwedeng pagpilian).
Heto ang ilan sa mga natatandaan ko dati patungkol sa telebisyon:
1. Kung gustong malaman ang oras, ilipat sa Channel 9
2. May filter pang ikinakabit dati para daw mabawasan ang radiation kung manonood ka ng tv
3. Black and White pa ang uso; at wala kang maririnig na plasma o flat tv.
4. Wala ding remote controls, kaya talagang magpipihit ka para lang maglipat ng channel.
5. Sikat ang Eye To Eye, Loveliness, See True, Mara Clara, Dayuhan, Eat Bulaga, at Batibot. Isama na rin yung That's Entertainment.
Hanggang ngayon, buhay pa yung 14 inches black and white television namin na may dilaw na case. Naipamana pa namin sa isang kamag-anak.
May bago na kaming tv set. Mas malaki, colored, remote-controlled at pwede nang kabitan ng dvd player.
Pero hindi ba paminsan-minsan ay masarap alalahanin na nagsimula tayong lahat sa simpleng pamumuhay?